Monday, February 25, 2013

OBRA


OBRA

Kevin Bryan Marin

TAUHAN: -MAKSIMO -VITO -DALAWANG SEKYU

                      -VALENTIN -TATLONG ALAGAD

                      -EUGENIO   -NAGSUSUBASTA

 

TAGPUAN:

Ang entablado’y medyo madilim. Isang ilaw lamang ang nakabukas. May tatlong

kahong magkakapatong-patong at doon, nakaupo ang tatlong tao. Ang ayos ng mga

kahon ay parang sa mga tinatayuan ng mga nanalo sa palakasan (hugis tatsulok kung

saan nakapatong ang isa sa dalawang magkatabi sa baba). Sa kahon sa kaliwa nakaupo ang unang tao, sa pinakamataas na kahon ang ikalawa, ang ikatlo naman sa kanan. Nakapaligid sa kanila ang mga nakahandusay na anino. Hindi masabi ang oras dahil ang araw ay tila hindi lumulubog. Sa baba ng entablado ay may dalawang sekyu na naglalaro ng baraha.

 

P R O L O G O

* * *

UNANG SEKYU [MALIGALIG]

O, pare, tong-its ha! Kitang-kita, walang daya!

 

IKALAWANG SEKYU [MAGKAKAMOT NG ULO]

Ang malas naman, o! Lagi na lang akong talo! Ayoko na, suko na ‘ko!

 

UNANG SEKYU

Pare naman, wala namang ganyanan. Ngayon pa lang ako ginaganahan!

 

IKALAWANG SEKYU [MABABALISA BIGLA]

Uy, pare, padating ang binabae!

[MAGMAMADALING LIGPITIN NG DALAWA ANG MGA BARAHA. MULA SA KANANG GILID

NG ENTABLADO PAPASOK ANG NAGSUSUBASTA.]

 

NAGSUSUBASTA [GALIT]

Hoy, kayong dalawang tukmol! Kaya naman pala ang mga utak n’yo ay mapupurol, hari pala kayo ng mga sugarol!

 

UNANG SEKYU

Ser, hindi naman po…

NAGSUSUBASTA [SASABAT]

Lintek, magmamaang-maangan ka pa! Ang mga pinagagawa ko, kumusta na? Ang

mga upuan, nalinis na ba? Ang mga ilaw, ayos na? Aba, wala pang natatapos ni isa! Kayo ha, kapag hindi naging maayos ang lahat para mamayang gabi, talagang malilintikan kayo sa’kin!

 

IKALAWANG SEKYU [MAAMO ANG MUKHA]

Sige po, ser…makakaasa kayo.

NAGSUSUBASTA

Bueno, kayo ang magbabantay rito…siguraduhin n’yong walang makalalapit dito

dahil pare-pareho tayong mananagot kapag nawala ito. [ITUTURO ANG ENTABLADO.]

DALAWANG SEKYU [PABATO]

Opo!

 

NAGSUSUBASTA

Tse! Makaalis na nga dito! Kaaga-aga, nasisira ang kagandahan ko!

[LALABAS ANG NAGSUSUBASTA SA KALIWANG GILID NG ENTABLADO AT MAIIWAN ANG

DALAWANG SEKYU SA GITNA.]

 

UNANG SEKYU

Grabe ang baklang ‘yun! Kung magalit, parang leon! May regla siguro!

 

IKALAWANG SEKYU

Ewan ko. Binabayaran tayo rito para magbantay at hindi masabon ng bading na ‘yun.

[MAKIKITA ANG NAKATAGONG BARAHA NA NAKAIIPIT SA MEDYAS NG UNANG SEKYU] O,

kita mo na! Pati ako dinadaya! Magsama kayo ng baklang ‘yun! E… ibalik mo na kasi yung pera ko…

 

UNANG SEKYU

Gago! ‘Lika na nga! Ayoko nang marinig ang kanyang bunganga!

[PUPUNTA SA KALIWANG GILID ANG DALAWANG SEKYU, MAUUPO, AT TUTUGTUGIN

ANG KANILANG GITARA BILANG PASAKALYE SA DULA.]

U N A N G  T A G P O

* * *

[UNTI-UNTING KIKILOS ANG MGA ANINO AT PALILIBUTAN ANG TATLONG TAO]

MGA ANINO

     Mundo ng salamangka

     Mga aninong likha

     Nakulong sa mahika

     At ginapos sa luha

     Ng huwad na pag-asa

     Kathang-isip na nasa

     Disyerto ng pangarap

     Walang tubig na lasap

 

[PUPUSISYON SA LIKOD ANG MGA ANINO. HINTO. TATAYO ANG UNANG TAO AT TATAPAT

SA ILAW NA NAKABUKAS. TITINGALA SA SPOTLIGHT.]

 

MAKSIMO [PATULA]

     Sa mundo ng karimlan,

     Liwanag ang pangarap

     At bagtasin ang daan

     Ng hilahil at hirap

     Upang maabot ang nasa

     Ngunit paano na…

     At bukas, diyan din, aking matatanaw

     Sa sandipang langit na wala nang luha

     Sisikat ang gintong araw ng tagumpay

     Layang sasalubong ako sa paglaya

 

[HINTO. TATAYO ANG IKALAWANG TAO AT TATAPAT SA ILAW NA NAKABUKAS. AANINAGIN

SA MGA MANONOOD ANG SINISINTA.]

 

VALENTIN [PATULA]

O pagsintang labis na kapangyarihan

Sampung mag-aama’y iyong nasasaklaw

‘pag ikaw ang nasok sa puso ninuman

Hahamaking lahat, masunod ka lamang

[HINTO. TATAYO ANG IKATLONG TAO AT TATAPAT SA ILAW NA NAKABUKAS. TITINGIN SIYA

SA MALAYO.]

 

EUGENIO [PATULA]

Ikaw ay lumitaw, O Katalinuhan

Magiting na diwang puno sa isipan

Mga puso nami’y sa iyo’y naghihintay

At dalhin mo roon sa kaitaasan

Bumaba kang taglay ang kagiliw-giliw

Na mga silahis ng agham at sining

Mga kabataan, hayo na’t lagutin

Ang gapos ng iyong diwa at damdamin

 

[BAHAGYANG LILIWANAG ANG ENTABLADO. AKMANG MABUBUHAY ANG TATLO SA

PAGKAKAHINTO. TITINGIN SA PALIGID. MAPAPANSIN ANG ISA’T ISA.]

 

VALENTIN [NABIGLA AT NAGTATAKA]

Sino kayo?!

 

EUGENIO [NAGTATAKA, NAKAKUNOT ANG NOO, AT MATAAS ANG BOSES]

Hoy ginoo, ang sarili muna’y ipakilala mo!

 

VALENTIN [NAG-AATUBILI]

Ha? A-ako? [MASISINDAK] Valentin ang ngalan ko. Kayo, sino ba kayo?

 

MAKSIMO [MAHINAHON]

Ako, mga kaibigan, ay si Maksimo.

EUGENIO

Eugenio. [MAKIKIPAGKAMAY KAY MAKSIMO AT TATALIKOD. GAYUNDIN SI MAKSIMO.]

 

VALENTIN [MAHINAHONG NAGTATAKA]

Nasaan ba tayo?

 

MAKSIMO

Ewan ko! Basta pagdilat ng aking mga mata, naririto na ‘ko. Kanina, sinubukan kong

maghanap ng lagusan ngunit ako’y bigo. At nang tinangka kong dumeretso, [TUTURO SA

DIREKSYON NG MANONOOD] ang inabot ko’y bukol sa noo! Isang hindi makitang pader

ang kalaban ko!

EUGENIO [MAGUGULAT]

Hindi makitang pader?! [BAHAGYANG MATATAWA] Ayos ka lang Maksimo? Kaibigan,

ako’y isang batikang siyentipiko at nakasisiguro akong imposible ang sinasabi mo.

 

MAKSIMO AT VALENTIN [SARKASTIKONG MAY PAGHANGA]

Gan’on?!

 

EUGENIO

Oo, gan’un nga! [TATAHIMIK ANG TATLO. MAGLALAKAD-LAKAD. MAIINIP SI EUGENIO.]

Diyos ko! Sino bang hunghang ang nagdala sa atin dito? Kay dami ko pang gawain na

dapat kong asikasuhin!

 

MAKSIMO [TITINGIN SA MANONOOD AT SISIGAW]

Hoy! Kami ba’y naririnig ninyo?! Bakit kami narito?

 

EUGENIO [NAKATINGIN SA MANONOOD AT MAINIT ANG ULO]

Sino ba ‘yang mga kumag na ‘yan? Kanina ko pa napapansin na tayo’y tinititigan. Ano ‘to, lokohan?!

 

MAKSIMO [MAPUSOK]

Hoy ikaw! [TUTURO NG ISA SA MANONOOD.] Oo, ikaw na mukhang bakulaw! Bakit ang

sama mong makatingin? Baka gusto mong makatikim! [SANDALING TITIGIL.] O, bakit

ayaw mong sumagot?! Bansot!

 

EUGENIO [MANG-AALASKA]

Maksimo, baka…[SANDALING TITIGIL AT NGINGITI.] ano… [MAGPAPAKITA NG KILOSBADING.]

 

MAKSIMO [MATATAWA]

Tsss… gusto ngang makatikim!

 

[MAGTATAWANAN ANG DALAWA HABANG TINUTURO ANG ISANG MANONOOD.]

 

VALENTIN

Hoy, ano ba kayong dalawa? Tama na. Wala rin kayong mapapala. Ni hindi nga nila

napapansin ang pinagsasabi n’yo! Mag-isip na lang tayo ng paraan kung paano

makalalabas dito.

 

MAKSIMO

Alam mo, ubod ka nang pakialamero!

EUGENIO

Oo nga, e, puro hangin lang naman ang nasa ulo! [DUDURUIN SA NOO SI VALENTIN]

 

MAKSIMO

At ikaw naman, nagdudunung-dunungan.

 

EUGENIO

Aba, sa iyong sinabi, ako’y nalalaki!

[MARAHAS NA MAG-AAWAY SINA MAKSIMO AT EUGENIO AT SI VALENTIN ANG

MAGSISILBING TAGAPAMAGITAN. ‘DI KALAUNA’Y MAUUNTOG SI EUGENIO SA “HINDI

MAKITANG PADER.” MAPAPAHINTO ANG LAHAT.]

 

MAKSIMO

Kita mo?! Ngayon nama’y naniniwala ka na siguro?

 

EUGENIO

[KAKAPAIN ANG HARANG] Imposible ito! Isa akong isang henyo ngunit wala

pa akong naririnig na ganitong klaseng imbento!

 

MAKSIMO [MANG-AASAR]

Henyo na kung henyo… kulang pa rin sa talino!

 

EUGENIO

Kanina ka pa! Namumuro ka na!

 

[MAG-AAWAY MULI ANG DALAWA]

 

VALENTIN

Tigilan niyo na yan! Ang away n’yo ay isang malaking kahangalan. Bakit

kaya hindi magtulungan? Kapag marami’y mas malakas. Hindi ba mas

madaling makaaalpas?

 

EUGENIO

Tama, tayo’y magsama. Ang mga alitan ay atin munang kalimutan.

 

MAKSIMO

At sa pagpapalano, magkasundo na tayo.

 

[MAGKAKATINGINAN ANG DALAWA AT KANYA-KANYANG MAGMUMUNI-MUNI.]

[SANDALING KATAHIMIKAN.]

 

EUGENIO

Alam ko na! Hindi ba’t ang layunin nati’y iisa lamang, ang makalabas sa harang? Ano

kaya kung ang paggiba nito’y ating pagtulung-tulungan?

 

[LUBHANG MAMAMANGHA ANG TATLO SA IDEYA AT BABALIK SA PAGMUMUNI-MUNI.

UUPO SI VALENTIN SA KAHON. KATAHIMIKAN ULIT. TATAPAT SA ILAW NA NAKABUKAS SI

MAKSIMO.]

 

MAKSIMO

Alam n’yo ba kung bakit gusto kong makalabas? Ang Kanlungan ng Araw ang nais kong tunguhing landas!

 

[TITINGALA AT ITUTURO ANG SPOTLIGHT HABANG NAKANGITI.]

 

VALENTIN [SA DILIM]

At ano naman ang naghihintay sa iyo roon, kaibigan?

 

MAKSIMO [NAKATITIG SA SPOTLIGHT]

Kalayaan! Walang hanggang kasiyahan! Kailanma’y ‘di ko na daranasin ang kahirapan… ang kalungkutan! Nais kong isama rito ang mahihirap upang ang lubos na kalayaa’y aming malasap. At sa gawaing busilak, ang puso ko’y magagalak.

 

EUGENIO [SA SARILI]

Nangarap ang ambisyoso…

 

MAKSIMO

May sinabi ka, Eugenio?

 

EUGENIO [PLASTIK NA NGINGITI KAY MAKSIMO]

Wala, aking katoto!

 

VALENTIN

Eh, ikaw Eugenio, ano naman ang nasa mo?

 

[AALIS SA TAPAT NG ILAW SI MAKSIMO. TATAPAT SA ILAW SI EUGENIO.]

 

EUGENIO [NAGMAMALAKI]

Para sa inyong kaalaman, aking mga kaibigan, ako’y isang taong sadyang biniyayaan ng Diyos ng katalinuhan. Kaya simple lang naman ang nais ng aking lubhang

mapagpakumbabang puso…karangalan. Karangalan para sa aking mga naimbento at

nadiskubre. Karangalan para sa aking pambihirang katalinuhan. Ngunit sa kabila ng

karangalang ito, hatid ko rin ang tulong–mediko para sa mga kapos-palad sa bayan ko.

At gaya mo, [TITINGIN KAY MAKSIMO] kasiyahan at kalayaan din, para sa akin ang dulot

nito.

 

EUGENIO

Ikaw, tahimik na kaibigan, ano naman ang nais ng iyong kalooban?

 

[TATAYO SI VALENTIN SA PAGKAKAUPO AT TATAPAT SA ILAW NA NAKABUKAS.]

 

VALENTIN

Simple lang. Ang sa aki’y para sa aking naghihikahos na puso, sapagkat nakita na niya ang kanyang kahati. [PILIT INAANINAG SA MGA MANONOOD ANG SINISINTA] O, aking irog,

ako’y hintayin. Upang makasama ka, tandaang ang lahat ay aking gagawin. At ang harang na ito’y kasama sa lahat ng aking haharapin upang ika’y makapiling. [KAKALAMPAGINANG HARANG.] Ika’y aking iniibig! Alam kong ako’y iyong naririnig…[MAPAPALUHOD HABANG LUGMOK SA KALUNGKUTAN.]

 

EUGENIO

Kung gayo’y hayo na’t tuparin ang aking plano na pabagsakin ang balakid na ito!

 

MAKSIMO

Ngunit, kaibigang Eugenio, paano?

 

[MAGKAKAMOT NG ULO SI EUGENIO. TATAYO SI VALENTIN.]

 

VALENTIN

Pagbilang ng tatlo, itutulak natin ang pesteng sagabal na ‘to. Isa…

 

EUGENIO

Dalawa…

 

MAKSIMO

Tatlo!

 

[GAGAWA SILA NG KANYA-KANYANG TINDIG UPANG MAKABUO NG ISANG KAKAIBANG

PORMASYON. SUSUGURIN NILA AT SUSUBUKANG ITULAK ANG PADER NGUNIT SILA’Y

MAPAPAGOD.]

VALENTIN

Kaya natin ‘to!

 

LAHAT

Todo na ‘to!

 

[MULING GAGAWIN ANG PORMASYON AT SASALAKAY]

 

I K A L A W A N G T A G P O

* * *

 

MGA ANINO

     Daing at dalamhati

     ‘pag ang gabi’y kumubli

     Tayo’y pinatatabi

     Ng dahilang dalamhati

 

[LALABAS ANG TATLONG ALAGAD]

 

UNANG ALAGAD

Huwag humarang, kayo’y tumabi!

 

IKALAWANG ALAGAD

Mga hampas-lupang walang silbi!

 

IKATLONG ALAGAD

Alis! Mga peste!

 

[LALABAS NA ANG MGA ALAGAD]

 

UNANG ALAGAD

Kabaliwan!

 

IKALAWANG ALAGAD

Kahibangan!

 

IKATLONG ALAGAD

Kalokohan!

 

MAKSIMO [MAGUGULAT AT TONONG PANLALAIT]

Teka, saan nanggaling ang mga kutong-lupang ito?

EUGENIO [MAANGAS]

Ang kakapal ng mga apog ninyo!

 

VALENTIN

Sino ba kayo?

 

TATLONG ALAGAD

Aba, hindi n’yo kami nakikilala, mga iho?

 

UNANG ALAGAD

Bueno, hayaan mong…

IKALAWANG ALAGAD

…ipakilala namin…

 

IKATLONG ALAGAD

…ang aming mga sarili!

 

UNANG ALAGAD

Unang Alagad ang aking ngalan

Kanang kamay dito sa kulungan…

 

IKALAWANG ALAGAD

Ikalawang alagad naman ang tawag sa’kin

Simpleng alalay ngunit tigasin…

 

IKATLONG ALAGAD

Sino ang sa inyo’y gustong makaladkad

Lumapit lang sa’kin, ang Ikatlong Alagad…

 

VITO [BOSES]

Ehem! Anong kaguluhan ito?! Mga alagad, nasaan kayo?!

 

UNANG ALAGAD

Kami po’y naririto, mahal naming Ginoong Vito!

 

[PAPASOK SI VITO MULA SA KANANG GILID NG ENTABLADO.]

VITO [MASOSORPRESA]

Aba’t may mga bagong panauhin ang sa ati’y sadyang napadayo! [SA MGA MANONOOD]

Trabaho kong mapanatili ang kaayusan, kapayapaan, at pagmamahalan sa lugar na

ito. Itinuturing nila akong amo, ngunit pag-utusan po ninyo. [SA TATLO] Kumusta mga

kaibigan, sa ‘yo, sa ‘yo at sa ‘yo? Anong sadya ninyo?

 

EUGENIO

Ginoong…

 

VITO

Vito…

 

EUGENIO

Ah, Ginoong Vito…mawalang-galang na ngunit nais sana naming lisanin ang loob ng

harang na ito.

 

VITO

[TATAWA NANG PILIT] Naku, pinatatawa mo lamang ako. Imposible ang sinasabi mo!

[MAGKAKAGULO ANG TATLO.]

 

UNANG ALAGAD

Manahimik!

 

IKALAWANG ALAGAD

Mga inutil!

 

IKATLONG ALAGAD

Itigil ang satsat!

 

VITO [MAGTATAAS NG BOSES]

Ako’y inyo namang igalang! [KATAHIMIKAN] Ngunit, may isang paraan.

 

VALENTIN

Paraan?

 

VITO

Oo, paraan, ang natatanging paraan! Ibubunyag ko kung ano iyon subalit dapat ko muna kayong subukin.

 

MAKSIMO

Paano?

 

[HINTO SINA MAKSIMO, VALENTIN, AT EUGENIO]

 

MGA ANINO [MATATARANTA]

Huwag! Kami’y inyong pakinggan!

Iwasan ninyo ang paraan!

 

VITO [MAGTATAAS NG BOSES SA MGA ANINO]

Ang sumabat ba’y inyong karapatan?! Ni hindi ko kayo

pinahihintulutan!

 

[MANANAHIMIK AT MALULUGMOK ANG MGA ANINO]

 

VITO

Bueno, isang tanong ang ibabato ko para sa inyong tatlo. At batay sa inyong

kasagutan, pipiliin ang karapat-dapat lumisan. Upang ako’y makumbinsi, ang hanap

ko’y makabuluhang rason. Kung nakuha n’yo ang aking sinabi, pwes, ‘wag na tayong

magsayang ng panahon!

 

EUGENIO

Naku, naman! Kay dali naman pala! Ano ba ‘yan? Kimika o Literatura? Lahat ng iyan…

kayang-kaya!

 

VITO

[LALAPIT SA MANONOOD] Hindi! Basta, pumarito ka’t sagutin ang aking tatanungin.

[PAPALAPITIN SI EUGENIO SA MANONOOD.]

 

UNANG ALAGAD

At kayo, Maksimo at Valentin,

 

IKALAWANG ALAGAD

Maupo muna, dalawang kuto sa paningin,

 

IKATLONG ALAGAD

At maghanda sa inyong sasagutin.

 

[PAPAUPUIN NG TATLO SINA MAKSIMO AT VALENTIN.]

 

MAKSIMO [MAGAGALIT]

Huwag n’yo kaming hamakin!

 

TATLONG ALAGAD [SA MANONOOD]

Hala, simulan na!

 

VITO [KAY EUGENIO]

Bueno. Ang tanong: bakit pakay mong lumabas?

 

EUGENIO [MAHINAHON]

Tulong-Mediko ang nais kong ihandog sa sambayanan. Salamat sa isang pambihirang

lalawigan, ako’y may natagpuan: isang kakaibang halaman! Anumang sakit ay kayang

lunasan! Para sa’kin, Ginoong Vito, ang makapagsilbi sa kapwa ay kaginhawaan.

[TITINGIN SA MALAYO. NAKANGITI.]

 

VITO

Mahusay. Subalit, kung ikaw na isang siyentipiko ang makararating sa kabila ng harang, sisikat ka. Kasabay nito ang pagbulusok ng iyong pagyaman! Matatamo mo ang buhay na puno ng karangyaan! Samakatuwid, yayabang ka dahil sa iyong kasikatan! Iyan ang lason ng karangalan! Tila lubos ang iyong pagkagahaman!

 

EUGENIO

Ako? Gahaman? Isa lamang akong siyentipikong tumutulong sa kaunlaran!

 

VITO [GALIT]

Bastardo! Pinakukulo mo ang dugo ko! Nararapat talagang ibasura ang edukasyon sa

mundo upang maubos ang mga sugapang tulad mo.

 

EUGENIO [GALIT]

Dapat ay magpasalamat pa kayo dahil natitiis naming makibagay sa mga taong gaya n’yo!

UNANG ALAGAD

Manahimik

 

IKALAWANG ALAGAD

Inutil!

 

IKATLONG ALAGAD

Huwag kang bastos!

 

[PABABAGSAKIN SI EUGENIO NG IKATLONG ALAGAD SA KANANG BAHAGI NG

ENTABLADO. LALAPITAN NG MGA ANINO SI MAKSIMO NGUNIT ITATABOY RIN NG

IKALAWANG ALAGAD]

 

VITO [KAY MAKSIMO]

Susunod! [TATAYO SI MAKSIMO AT LALAPIT SA MANONOOD.] O, kaibigan, ano ang iyong

mithi sa pagpunta sa kabilang dako ng harang?

 

MAKSIMO

Ako? [ITUTURO ANG SPOTLIGHT.] Gusto kong marating ang dulo ng naturang liwanag

dahil gusto kong magkaroon ng pagbabago. Pagkakapantay-pantay sa mundo! Lahat ay may kapangyarihan! Maglalaho ang kahirapan! Ang salapi ay para sa karamihan! Hindi ba napakagaling ng aking layunin? Para sa nakararami ang aking mithiin! Kung gayo’y ako ang inyong piliin!

 

VITO

Tama na! [HIHINTO SANDALI.] Kung walang nakatataas at nakabababa, walang

mamumuno at mag-uutos. Kung walang mag-uutos at mamumuno, mawawasak ang

disiplina ng bayan. Sa iyong sinabi, pinahihirap mo rin ang mga dating mayayaman at

pinayayaman mo ang dating mahihirap. Hindi ba lugi ang mapepera dito? Nakuha mo?

 

MAKSIMO [NAKATINGIN SA MANONOOD, MAGKAKAMOT NG ULO]

Naligaw yata ako. Sumakit ang ulo ko!

 

VITO

Umoo ka na lang!

 

MAKSIMO [NAG-AALINLANGAN]

Uhm…sige, oo, kaso parang…

 

UNANG ALAGAD

Manahimik

 

IKALAWANG ALAGAD

Inutil!

 

IKATLONG ALAGAD

Huwag kang sasabat!

 

[PABABAGSAKIN SI MAKSIMO NG IKATLONG ALAGAD SA KALIWANG BAHAGI NG

ENTABLADO. LALAPITAN NG MGA ANINO SI MAKSIMO NGUNIT ITATABOY RIN NG

IKALAWANG ALAGAD.]

 

VITO [KAY VALENTIN]

Susunod! [TATAYO SI VALENTIN AT LALAPIT SA MANONOOD.] Ano naman ang ating

kuwento, ‘pañero?

 

VALENTIN [MAHINAHON]

Simple lang. Hangad ko lamang sundin ang itinitibok ng aking…[TITINGIN SA IBABA.]…

puso. Ako po’y umiibig sa dilag na iyon. [ITUTURO ANG SINISINTA SA MGA MANONOOD.]

Hangad kong mahawakan ang kanyang mga kamay at halikan ang kanyang mga labi kahit isang saglit…

 

UNANG ALAGAD [MALUHA-LUHA AT SUMISINGHOT-SINGHOT]

Makabagbag-damdamin!

 

IKALAWANG ALAGAD [MALUHA-LUHA AT SUMISINGHOT-SINGHOT]

Bukod-tanging mithiin!

 

IKATLONG ALAGAD [MALIGALIG]

Nakakikilig ka Valentin!

 

VITO

[KITANG-KITA ANG PAGBABAGO SA KANYANG MASUNGIT NA MUKHA.] Mamang

madrama, inantig mo ako ng iyong telenobela. Magiting na kawal ng pag-ibig, tumayo

ka’t tanggapin ang basbas ng balakid! [MAPAPANGITI SI VALENTIN.] Ngunit, may isa

pang pagsubok upang mapatunayan kung ang pag-ibig mo nga’y tapat at kung ikaw ang pinakanararapat.

 

VALENTIN

Paano?

 

[HINTO SI VALENTIN]

 

MGA ANINO

Huwag! Tanggihan mo ang pagsubok!

Iwasan ang maging mapusok!

 

VITO [MAGTATAAS MULI NG BOSES]

Tila sukdulan na ang inyong kabastusan!

 

VITO

Halika rito… [IBUBULONG NI VITO SA KANYANG TAINGA ANG PLANO.]

 

VALENTIN [NABIGLA AT NAG-AALINLANGAN]

Ha?! Kahit ang isang balasubas ay hindi gagawin ang iyong inaatas!

 

VITO

Binibigo mo ako, kaibigang romantiko! Akala ko pa nama’y kaya mo…

 

VALENTIN [SASABAT]

Subalit kailangan ba talagang ito’y maisagawa ko?

 

VITO

Ungas! Tandaan mong sa larong ito’y ako ang batas! Kailangang magmala-Hudas upang sa harang ay makalampas!

 

UNANG ALAGAD

Iyong kukote ay gamitin!

 

IKALAWANG ALAGAD

Huwag mo kaming buwisitin!

 

IKATLONG ALAGAD

Pagkat kami’y nabibitin!

 

VALENTIN [SISIGAW]

Pero…!

 

[MAGDIDILIM ANG ENTABLADO KASABAY NG KUMPLETONG KATAHIMIKAN.]

 

I K A T L O N G T A G P O

* * *

VITO

Matapos ang matinding pagninilay, aking hatol, ngayo’y ibibigay: ang nagwagi ay si…

[PULANG ILAW SA ENTABLADO. MAKIKITA ANG HUGIS NINA MAKSIMO, EUGENIO, AT

VALENTIN. KIKILOS SI VALENTIN, TANGAN ANG ISANG PATALIM, NA TILA PUMAPATAY

SA KANYANG KINATATAYUAN HABANG SINA EUGENIO AT MAKSIMO NAMA’Y TILA NASASAKTAN SA MAGKABILANG GILID NG ENTABLADO. TATAYO SINA MAKSIMO AT

EUGENIO MULA SA KANILANG KINAUUPUAN. MAG-UUNAT SILA NA PARANG MASAKIT

ANG KANILANG MGA BATOK AT LIKOD. IPAPAKITA ANG KANILANG DUGUANG LIKURAN

SA KANILANG DAHAN-DAHANG PAG-IKOT. TUTUMBA SILA PAREHO. KIKILOS SI VALENTIN

SA KANYANG KINAUUPUAN. MAGTATANGKA SIYANG MAGPAKAMATAY NGUNIT

BIBITAWAN ANG PATALIM. TATAYO SI VALENTIN. PAPALAKPAKAN SIYA NG LAHAT] Iyan

ang manok ko! Dahil sa iyong determinasyon, igagawad ko ang iyong premyo: ang

natatanging paraan.

MGA ANINO

Hala, hala, hayan na

Dasal nga ba o sumpa?

Hala, hala, hayan na

Dasal nga ba o sumpa?

 

VITO

     Punding-pundi na ‘ko sa inyo! Magsitahimik kayo, mga indio!

[TATAHIMIK ANG MGA ANINO] Ehem. Balik tayo sa ‘yo. Makinig ka, iho.

Habang hinahawakan mo ang harang, kailangan mong bigkasin ang dasal na

ito:

Awit ng panahon,

Bulong ng alon,

Ika’y gibain,

At nang maparoon.

 

[UULITIN NG DALAWANG BESES PA ANG DASAL KASABAY NG RITWAL NA SAYAW.

TULALANG LALAPIT SA HARANG SI VALENTIN. BLANGKO ANG MUKHA. WALANG

EKSPRESYON. KATAHIMIKAN.]

 

VALENTIN

Awit ng panahon,

Bulong ng alon,

Ika’y gibain,

At nang maparoon.

 

[WALANG MANGYAYARI. KATAHIMIKAN. UULITIN NI VALENTIN ANG DASAL NGUNIT

WALA PA RIN.]

VALENTIN [NAGTATAKA]

Ginoong tampalasan, ako’y nagugulumihanan. Ginawa ko naman ang lahat ng iyong bilin ngunit parang bitin.

 

VITO [NAMILOSOPO]

Sira-ulo! Sinabi ko bang dapat mong gawin ito ngayon din?

 

VALENTIN [NAGTATAKA]

Hindi ba’t…

 

VITO[NAMILOSOPO]

Oo, ibinigay ko sa iyo ang paraan ko subalit gagana lamang ang dasal kada-isandaang

taon. Malamang ay hindi ko binanggit sa iyo ito.

 

VALENTIN [NAGTATAKA]

Ibig sabihin…

 

[MAYROONG MAPUPUNA SI VALENTIN SA LABAS NG HARANG. LALAPIT SIYA PARA

KALAMPAGIN ITO.]

 

VITO

Ibig sabihin, ang gantimpala mo sa ngayo’y wala ring saysay. Isasagawa mo ang dasal

matapos pa ang matagal na paghihintay.

 

VALENTIN [MAG-AALALA]

Pero…siya…[NAKATINGIN SA MALAYO]…ang mahal ko…ti…tila lilisan na! Bakit…

[MAGUGULAT SIYA DAHIL ANG KANYANG SINISINTA AY PAALIS NA. MANGIYAK-NGIYAK

NA MAPAPALUHOD SA MGA NAPASLANG NIYA.]

VITO

Bakit ano? Ika’y sadya lamang na uto-uto! Ang lakas pa ng loob mong magkalat dito!

Mga alagad, linisin ang kalat, pronto, pronto! [TATAWA SI VITO HABANG PUPUSISYON

ANG LAHAT NA AYON SA SPOLIARIUM.] Kaibigan, hindi mo na mabubura iyan…

[HINTO. KUMPLETONG KATAHIMIKAN.]

 

E P I L O G O

* * *

[PAPASOK ANG NAGSUSUBASTA MULA SA KANANG GILID AT PUPUNTA SA GITNA NG

ENTABLADO.]

 

NAGSUSUBASTA [SA MGA SEKYU, PABULONG]

Psst! Ayos na ba tayo?!

 

[Senyales na okey mula sa mga sekyu.]

 

NAGSUSUBASTA [MAGKAKLARO NG LALAMUNAN, BOSES MAGINOO]

Mga giliw naming panauhin, salamat po sa inyong pagdating. Ngayon, sisimulan na natin ang subastahan sa obra ni Juan Luna — ang Spoliarium. Ang presyo sa pintang ito’y magsisimula sa limampung libong dolyar…

 

[HINTO. UNTI-UNTING MAMAMATAY ANG LAHAT NG ILAW.]

 

W A K A S

* * *

No comments:

Post a Comment