Sunday, February 24, 2013

Ampalaya by Reuel Molina Aguila


Sipi mula sa

“Ampalaya (Ang Pilipinas 50 Taon

Makatapos ng Bagong Milenyo)”

ni Reuel Molina Aguila

 

Upang basahin ang kapalaran ng mga bayan,

kailangang buklatin ang aklat ng kanyang kahapon.

 

At dahil diyan ay inuulit namin at uulitin kailanman, na,

samantalang may panahon ay lalong mabuting pangunahan

ang mga hangarin ng isang bayan kaysa pahinuhod; ang una’y

umaakit ng kalooban at ng pag-ibig; ang pangalawa ay

umaakit ng pagpapawalang-halaga at ng poot.

 

(Ang Pilipinas sa Loob ng Sandaang Taon)

Jose Rizal

1 Sarap na sarap sa paghahapunan ang pamilyang de la Cruz, isang gabing tikatik ang

ulan at ang simoy ng amihan sa mga unang araw ng buwan ng Pebrero ay naghahatid

ng nakapanghahalukipkip na lamig.

2 Sa liblib na baryong ito na lalong naging liblib dahil napag-iwanan ng mabilis na

pagbabago ng mundo, ang munggong sinahugan ng ampalaya at tinambalan ng tuyo

ay langit nang masasabi.

3 “Heaven!”

4 Ganyan nga ang sinabi ng kabataang mountaineer na minsang nagawi sa pamilya

de la Cruz at nakisalo ng munggong may ampalaya. Matagal na raw siyang hindi

nakakatikim ng ganoong ulam.

5 Hindi iyon maunawaan nina Juan de la Cruz dahil pangkaraniwan lang na ulam nila

iyon. Pagkaing mahirap, wika nga. Laking tuwa nila nang abutan sila ng ilang de-lata

bilang kapalit sa munggo’t ampalaya.

6 Kaya’t sa tuwing ganito ang kanilang ulam ay naghahagikgikan ang pamilya de la Cruz

sa alaalang ito.

7 Hagikgikan pa sila nang hagikgikan dahil sa sinasabi sa radyo habang naghahapunan

sila. Hindi nila mapagtanto kung ano ang sinasabi ng announcer. Bargain sale daw sa

Super Tiangge Mall ng mga kasangkapan tulad ng teleponong nakikita ang kausap at

bombilyang 10 watts lamang pero kayang ilawan ang isang malaking plasa.

8 Sapagkat, ni koryente o linya ng telepono ay wala sila. Taong 2050 ay wala silang

koryente o linya ng telepono.

9 Nagkaroon kung sa nagkaroon ngunit pinutulan din ang buong baryo nang ang

karamihan dito ay hindi nakayanang magbayad.

10 Gapok at nakahilig na ang mga poste ng koryente; at ang mga kawad ay pinagkukuha

na nila para gawing sampayan o panali ng kung ano-ano.

11 Gayon ding nakatiwangwang na ang butas-butas na mga solar panel na ikinabit

noong bata pa si Juan. Donasyon iyon ng mga Aleman, limampung taon na ang

nakakaraan, noong bago magpalit ang taon sa kalendaryo mula sa panimulang

disinuwebe tungo sa dalawampu.

12 Tulong daw iyon upang hindi magdumi ang papawirin mula sa karbong ibinubuga

ng mga de-langis na plantang lumilikha ng koryente. Na, sa pagdami ng karbon sa

papawirin ay siyang nagiging sanhi ng pag-init ng mundo. At siya namang sanhi ng

pagbabago ng klima at panahon: wala sa panahong bagyo, panay-panay na tagtuyot,

at kainitang pati silang sanay nang mababad sa araw ay umaangal.

13 Ngunit sa pagdalaw ng bagyong siya nga sanang nilulutas ng solar panel ay siya

namang pagkabutas-butas at pagkakalasog-lasog nito.

14 Sa tuwing nakikita ni Juan ang mga kalansay ng panahong iyon ay sumasagi sa

kanya, bilang isang gising na bangungot, ang mga ritwal, takot, at pag-iimbak ng mga

pagkain dahil sa sunod-sunod na kalamidad na dumadalaw na siyang kinikilalang

mga signos ng katapusan na ng mundo; at paniwalang hatid ng pagbabago ng

milenyo.

15 Tuyo na rin at tinabalan na ng damo ang mga poso, na kapag hinawan ang sukal ay

makikita pa sa semento ang mga pangalan ng nangampanyang meyor, gubernador,

kinatawan, bokal, at pangulo. Ang mala-lapidang talang ito ay parang isang punit na

pahina na siya na ring nagsisilbing tanging nakatalang kasaysayan ng baryong iyon.

16 Kaya nga’t napapahagikgik na lang sila sa tuwing nakakarinig sila ng mga balita

tungkol sa mabilis na pagbabago sa lunsod at sa ibang sulok ng daigdig.

17 Gaya ng iba pang produktong inaanunsyo ng announcer na kahit pa singkwenta

porsyento ang ibinaba ng mga presyo nito, dahil sa pagkawala ng taripa ayon sa

umiiral na pang-ekonomiyang kalakaran ng globalisasyon, ay hindi pa rin maabot ng

karaniwang mamamayan.

18 Sa radyo niya narinig ang mga mabibigat na salitang iyon hinggil sa pangekonomiyang

kalakaran, tuwing umagang bago niya harapin ang kanyang mga

pananim. Kaya’t tuwing umaga nga, sa awa ng itinatagal ng baterya, pilit inuunawa

ni Juan kung bakit umuunlad naman ang ibang bansa, o kung bakit umuunlad

naman ang Maynila ay lalo naman yatang nahuhuli ang kanilang baryo.

19 Kalabaw pa rin ang gamit nila sa pagsasaka samantalang sinasabi rin sa radyo na derobot

na ang pagsasaka sa ibang bansa.

20 Sinungaling marahil ang radyo. O, marahil hindi niya nasundang mabuti ang sinasabi

ng radyo dahil madalas maubusan siya ng baterya.

21 Pero sa radyo din niya narinig na ‘wag daw silang mag-alala. ‘Yan ang pangako ng

bagong pangulo, isang child actress noong magpang-abot ang mga milenyo na higit

na nakilala sa halos makatotohanang pagganap niya sa papel ng batang ginang-rape

ng kanyang lolo, ama, at mga tiyuhin.

22 Pararatingin daw niya ang kaunlaran hindi lang sa Maynila, bagkus sa kaliblibliblibang

sulok ng bansa, gaya ng kanilang baryo. Iyon ang pangako ng dating child

actress.

23 Kaya’t ganoon ngang umaasa na lang sina Juan. Sapagkat, ano pa nga ba ang kanilang

magagawa kundi ang umasa na lang at magsikap sa araw-araw.

24 Ni hindi nga siya sumapi sa mga rebeldeng halos mag-iisandaang taon nang

nakikipaglaban ngunit hindi pa rin nagwawagi.

25 Sa ilang pagbisita sa kanila ng mga ito ay nakikipaghuntahan sila kay Juan at

ipinapaliwanag kung bakit paurong lalo ang takbo ng buhay sa kanayunan. Ito,

diumano ay sanhi ng globalisasyon na sinimulan noon pa mang dekada ’90 ng ika-20

siglo. At kaya nakalusot ang bagong kaayusang ito ay dahil sa imperyalistang hangarin

ng Estados Unidos, sa pakikipagkutsabahan nito sa naghaharing uri ng bansa sa

pangunguna ng mga panginoong maylupa at komprador-burgesya.

26 Kung anuman ang pinagsasabi sa kanya ng mga taong labas ay hindi niya

maunawaan; na ‘yon din naman ang kantsaw ng matandang si Kadyo, 80 anyos at

dating aktibista sa kanyang kapanahunan—na halos mag-iisandaang taon na ay iyon

pa rin ang uri ng pagsusuri ng mga rebelde sa lipunang Pilipino.

27 “Sapagkat hindi po nagbabago ang kaayusang politiko-ekonomiya ng bansa,” ang

mariing ratrat ng batang gerilya.

28 “Ipasa-Diyos na lang natin,” ang sabi naman ng pari na taunan kung magmisa sa

kanilang baryo.

29 “Magbabago para sa kabutihan ang lahat,” ang sabi naman ng kandidatong meyor, na

anak ng dating meyor, na anak din ng dating meyor, na anak pa uli ng dating meyor,

na anak ng...

30 “Putris naman.” Ito ang sumasagi lagi sa isipan ni Juan tuwing nauungkat sa anumang

pagkakataon ang kaunlaran sa lunsod at ang kahirapan naman sa kanilang baryo.

31 Hanggang sa natutunan na niya at ng kanyang pamilya na maghahagikhikan na lang

sa tuwing nauungkat ang mga ganitong kaunlaran.

32 Para lamang daw iyang LRT sa Kamaynilaan na maigi ngang sa pagpasok mo sa

isang estasyon ay makakarating ka saan mang parte ng Maynila; ngunit ikot lang

nang ikot at hindi nakakaabot sa kanayunan.

33 Mahigit limampung taon na si Juan, halos kasintanda ng bagong milenyo; isang tunay

na magsasakang nabubuhay kahit paano sa kanyang mga sinasaka, umaasa sa sarili

at walang pineperwisyo.

34 ‘Yan lang ang kanyang maipagyayabang, na binuhay niya ang kanyang pamilya,

walang-wala man sila. Sapagkat ganoon din siya binuhay ng kanyang ama, kahit

walang-wala mandin sila.

35 Kaya’t nakakahimlay siya, sila, nang matiwasay tuwing gabi. Lalo pa ngayong

halumigmig ang hangin na pinag-init naman ng kaninang umaasong munggong may

ampalaya na hinapunan nila kanina.

36 At sila’y natulog nang mahimbing.

 

No comments:

Post a Comment