Sunday, February 24, 2013

BAYAN KO: LABAN O BAWI? by Jose F. Lacaba


BAYAN KO: LABAN O BAWI?

ni Jose F. Lacaba

1 May mga kaibigan at kakilala akong nag-iisip nang mangibang-bayan. Hindi naman

sila mga Amboy2 na may mental colony, at ang ilan pa nga sa kanila ay magiting na

lumaban sa dalawang People Power Revolution sa Edsa3. Pero nitong mga nakaraang

araw, seryosong pinag-aaralan ng mga kaibigan at kakilala kong ito ang posibilidad na

mag-immigrate4 sa Canada o Australia.

 

2 Kung baga, pagod na sila sa laban, bawi na ang gusto nila.

 

3 Hindi ko naman sila masisi. Ibon mang may layang lumipad5, kapag matagal-tagal

nang nakakalanghap ng makamandag na hangin dito sa ating bayang magiliw, ay

makakaisip na talagang mag-alsa-balutan at mag-TNT6.

 

4 At hindi sila nag-iisa, o nag-iisandaan, o nag-iisang milyon. Ayon sa pinakahuling

survey ng Weather-Weather Station7, 69 porsiyento ng ating mga kabataan—at

siyento-porsiyento ng mga sidewalk vendor at ng mga presong nahatulan ng

kamatayan—ay ayaw nang maging Pilipino. Mas gusto nilang maging Men in Black. O

kaya’y X-Men. O kahit na Hobbit8.

 

5 Ang 30 porsiyento naman, ayon pa rin sa nasabing survey, ay gustong sumapi sa

Yaya Sisterhood9. Mas malaki kasi ang kita sa pag-aalaga ng isang uhuging sanggol

sa Hongkong kaysa pagtuturo ng 50 uhuging bata sa ilalim ng punong mangga sa

Barangay Bagong Bakuna.

 

6 Gayunman, lumalabas sa survey na may isang porsiyentong nakalaan pa ring manatili sa ating lupang tinubuan. Ito’y binubuo ng mga sumusunod na sektor: pulitiko,

kidnap-for-ransom gang, Abu Sayyaf10, at SWAP (Samahan ng mga Walang Atik at

Pamasahe).

 

7 “Wala na talagang pag-asa ang Pilipinas, sa kabila ng dalawang Edsa at isang

Diosdado Macapagal Avenue11,” himutok ng mga nawalan na ng pag-asa.

 

8 Kabilang sa mga ibinigay na dahilan ng paglaganap ng kawalang-pag-asa ang

sumusunod: di-masawatang krimen, di-kinokolektang basura, di-makontrol

na polusyon, sobrang trapik, walang-tigil na pagtaas ng presyo ng gasolina at

galunggong, kawalan ng hanapbuhay, paghihigpit sa mga pelikulang bold, at

pagpapakasal ni Assunta kay Kongresista Jules12.

 

9 Takang-taka ang mga kaibigan ko’t kakilala kung bakit pinipili kong dito pa rin

manirahan sa loob ng bayan nating sawi. Ang una nilang tanong ay: “Bakeeet?!” At

ang ikalawa’y: “Is that your final answer?” “Do you sure?”

10 Ganito ang sagot ko sa kanila.

11 Sa ganang akin, mas masarap pa ring mabuhay sa Pilipinas dahil exciting ang buhay dito, hindi boring. Kung masyadong plantsado ang bawat araw at gabi mo, kung

sukat na sukat ang bawat oras mo mula sa pagpasok sa trabaho hanggang sa pag-uwi

ng bahay, mamamatay ka sa antok. Samantalang dito sa atin, makapigil-hininga at

makabagbag-damdamin at puno ng misteryo ang bawat sandali, tulad sa telenovela.

 

12 Paglabas mo ng bahay, hindi ka nakatitiyak na walang aagaw sa cellphone mo.

Pagtulog mo sa gabi, hindi ka nakatitiyak na walang magtatanggal sa side-view mirror

ng kotse mo.

 

13 Kahit superbilyonaryo ka at marami kang security, tulad ni Kongresista Imee Marcos,

puwede ka pa ring mabiktima ng akyat-bahay13. At kahit superpobre ka at walang

mananakaw sa bahay mo, tulad ng mga taga-Payatas, puwede namang mabagsakan

ng bundok ng basura ang barungbarong mo14.

 

14 Sa madaling salita, kung narito ka sa Pilipinas, para kang laging nakakapanood ng

palabas sa circus. Marami kang makikitang naglalakad sa alambreng tinik, at kabilang

sa makikita mo ay ang iyong sarili.

 

15 At saka, marami namang magagandang nangyayari sa ating bayan. Sa kabila ng

kapalpakan at kasuwapangan ng maraming taong-gobyerno, mayroon namang

gumagawa ng kabutihan. Halimbawa, sa Iloilo ay ipinagbawal na ng alkalde ang

bikini car wash􀀀. Sa gayon, napangalagaan niya ang dangal, puri, at kalusugan ng

kababaihan. Nawalan nga lang ng trabaho ang mga nakabikining kumikita noon ng

P400 isang araw, pero hindi na sila sisipunin. Kung ipasiya nilang magputa na lang,

baka mas malaki pa ang kanilang kitain.

 

16 Salamat din sa pangangalaga sa moralidad na ginagawa ng mga taong-simbahan,

hindi ka na makakabili ngayon ng condom sa 7-11 at iba pang convenience store.

Posibleng lalong lumaganap ngayon ang AIDS sa Pilipinas, o kaya’y maraming

mabubuntis na hindi puwedeng magpalaglag, pero kasalanan nila iyon.

Mahilig kasi silang manood ng Joyce Jimenez16 sa Pasay, e di, ayan, impiyerno sa lupa

ang bagsak nila.

 

17 Kahit ano pa ang sabihin tungkol sa Pilipinas, grabe rin naman ang kalagayan sa

ibang bansa.

 

18 Sa New York, halimbawa, kabubukas lang ng Museum of Sex17. Diumano, mayroon itong layuning historikal at edukasyonal, at ipakikita nito ang “sexual

landscape” sa pamamagitan ng ritrato, poster, painting, libro, at pelikula, na

mangyari pa ay puro malaswa at mahalay sa paningin ni Cardinal Sin18.

 

19 Alam ba ninyo ang implikasyon ng ganitong Museum of Sex? Lalo pang

mapapariwara ang maraming kalalakihang Amerikano, na pagkatapos ay

magsusundalo, at pagkatapos ay ipapadala sa Pilipinas para sa Balikatan19, at

pagkatapos ay magsisilang ng isa na namang henerasyon ng mga walang-tatay na

tisoy at tisay, na pagkatapos ay kukuning artista ni Kuya Germs20 at sa kalaunan ay

magiging bold star, na pagkatapos ay pupukaw sa makamundong pagnanasa ng mga

manonood, na paglabas ng sinehan ay manggahasa ng unang babaeng makikita nila,

na dahil walang condom ay magsisilang ng sanggol na may AIDS, at pagkatapos...

 

20 Diyos na mahabagin! Wala na bang katapusan ang trahedya ng sambayanang

Pilipino?

 

21 Teka muna, bawi na rin yata ako. May mapapasukan kaya ako sa Timbuktu?

__________________________

Lacaba, Jose F. “Bayan Ko: Laban o Bawi?” BULATLAT. Vol. 2, No. 45 December 15-21, 2002.

http://www.bulatlat.com/news/2-45/2-45-labanobawi.html. Accessed: 02 June 2012 (isinaayos at nilagyan

ng mga talababa)

1 Isang laro sa pantanghaling palabas na Eat...Bulaga!

2 Tawag sa mga Pilipinong lumaki sa America. Pinaikling “American boy”.

3 EDSA 1986 na tumapos sa rehimeng Marcos. At 2001 na nagpatalsik kay Estrada.

4 manirahan sa ibang bayan bukod sa lupang tinubuan http://www.merriam-webster.com/dictionary/

immigrate

5 “Ibon mang may layang lumipad”—unang parirala sa koro ng awiting “Bayan Ko”

na isinulat ni Jose Corazon de Jesus at pinasikat ni Freddie Aguilar. Madalas itong

inaawit sa mga kilos-protesta.

6 Pinakiling “tago nang tago”—tawag sa mga Pilipinong nangingibang-bayan at

umiiwas sa batas dahil hindi kumpleto ang papeles.

7 Paglalaro sa totoong tawag sa mga ito na “Social Weather Stations”. http://www.sws.org.ph/

8 Nanggaling sa mga pelikula. Men In Black—tungkol sa sikretong organisasyong

namamahala sa mga alien. X-men—tungkol sa mga taong may-kakaibang abilidad

dahil sa genetic mutation. Hobbit—maliliit na tao sa mundong nilikha ng nobela/

pelikulang Lord of the Rings.

9 Mula sa nobela/pelikulang Divine Secrets of the Ya-ya Sisterhood na tungkol sa

relasyon ng mag-ina. http://www.imdb.com/title/tt0279778/

10 Abu Sayaff—grupong nasangkot sa iba’t ibang uri ng krimen at teroristang kilos. http://


11 5.1 km highway sa Pasay na naging kontrobersyal noong 2002. Tila raw pinatungan

ng 700 milyon ang presyo nitong umabot ng 1.1 bilyong piso. http://www.bulatlat.com/news/3-

8/3-8-corruption1.html

12 Ikinasal sa huwes ang 19 taong artistang si Assunta de Rossi at ang 41 taong

kongresista ng Negros Occidental na si Jules Ledesma noong Nobyembre 2002. http://

news.google.com/newspapers?nid=2479&dat=20021103&id=x641AAAAIBAJ&sjid=dyUMAAAAIBAJ&pg=517,36598186

13 Naganap noong Setyembre 2002. http://www.philstar.com/Article.aspx?articleId=177528

14 Naganap noong Hulyo 2000. http://newsinfo.inquirer.net/breakingnews/metro/view/20070810-81712/Garbage_

pile_collapses_at_Payatas_dumpsite,_no_casualties

15 Naging usapin noong kalagitnaan ng 2002. http://www.philstar.com/Article.aspx?articleId=166246

16 Artistang tinawag na “Pantasya ng Bayan”. http://www.imdb.com/name/nm0422779/bio

17 Nagbukas noong Oktubre 2002. http://en.wikipedia.org/wiki/Museum_of_Sex

18 arsopibspo ng Maynila 1974-2003. http://en.wikipedia.org/wiki/Jaime_Sin

19 Balikatan Exercises—magkasamang pagsasanay ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas

at ng US Armed Forces. http://www.globalsecurity.org/military/ops/balikatan_02-1.htm

20 German Moreno, sikat na talent scout na pinasisikat niya sa mga palabas niyang

That’s Entertainment at GMA Supershow. http://en.wikipedia.org/wiki/German_Moreno

3 comments: