Sunday, February 24, 2013

Bagong Bayani by Joseph Salazar


Bagong Bayani

ni Joseph Salazar

1 LIMPAK-LIMPAK na salapi ang nagastos sa pagbili lamang ng kaniyang damit. Sa

dami ba naman ng taong inutangan ni Aling Clara, paano ba namang hindi kakalat

ang mga bali-balita? Disiotso anyos lang si Lea subalit, sa kaniyang kamusmusan,

inako na niyang lahat ang obligasyong maghanap ng perang ipantutustos sa kaniyang

pamilya. “Hindi mo ba alam,” bulong ng mga tsismosang nanay na nagmamaangmaangan

pa para lamang may mapag-usapan. “Pupunta si Lea sa Amerika.” Ikukunot

nila ang kanilang noo, itataas ang mga kilay at iaangat ang mga ilong upang simulan

ang pang-uusisa sa mga detalye ng kaniyang pangingibang-bayan. Natuyo na ang

kanilang mga labada, nagkalat muli ang alikabok na winalis sa isang tabi at nasunog

na ang kanilang mga sinaing, asahan mong nariyan pa rin ang kanilang mga tsismis.

Samantala, nagkunwang tahimik lamang ang mga ama sa piling ng di matapostapos

na kuwentuhan ng kanilang mga asawa. Gaya ng dati, hindi nila ipinakikita na

naaabala rin sila ng mga pangyayaring nagaganap sa San Joaquin. Subalit binubuhos

naman nila ang kanilang paghanga kay Ka Nardo, ang yumaong ama ng dalaga, sa

kanilang mga inuman. “O, para kay Ka Nardo,” isisigaw nila sabay tagay ng serbesa.

“Kung buhay lamang siya, pihadong matutuwa ito kay Lea.”

 

2 Tunay ngang isang malaking pangyayari ang nakaakit sa pansin ng San Joaquin.

Habang abala si Lea sa paghahanda sa kaniyang nakasabit na kontrata – nakasabit

sapagkat maraming pasikot-sikot hinggil sa kung ano-anong legalidad ang kailangan

pa niyang pagdaanan – abala rin ang buong bayan sa pagpapalitan ng mga kurokuro.

Hindi sila magkasundo sa pagtinging ibibigay nila kay Lea. Sa isang banda, siya

ang anak ni Aling Clara na magpapaahon sa kaniyang pamilya mula sa kahirapan:

kaiinggitan, kamumuhian, masarap siraan. Subalit siya rin ang anak ng San Joaquin

na kapupulutan ng pag-asa: pupurihin, tatangkilikin, gagawing pangunahing tauhan

sa mga kuwentong isasalaysay sa ilang henerasyon ng kabataan.

 

3 Piling-pili ang Lunes ng kaniyang pagpunta sa embahada. Katatapos lamang ng kasal

ni Paciano kay Elena noong Linggong dumaan, at walang duda na ang kaniyang

pangalan ang laman ng mga usap-usapan sa naganap na handaan. Aba, natalo

pa niya ang mga ikinasal sa paglaganap ng atensyon ng San Joaquin. Sa halip na

pagtawanan ang kapilyuhan ni Paciano na nagkunwang papasok sa seminaryo para

lamang payagan ito ng ama ni Elena na makausap ang dalaga, naging tampok ang

buhay ni Lea. Pinagtalunan nila ang kaniyang pagiging masunuring anak at masungit

na kapitbahay, mapagmahal na kaibigan at di matalinong kaklase, mapagbigay na

pinsan at mataas kung mangarap na pamangkin. Kalat na kalat ang balita: pupunta

si Lea sa Amerika. Bagama’t hindi pa naitatakda ang ganitong kapalaran, kumbinsido

na ang San Joaquin na pupunta talaga siya sa Amerika. At dahil sa mga umiinog

na usapin kahapon sa kasal nina Paciano, gumising nang maaga ang buong bayan, dumungaw sa kani-kanilang mga bintana, pumuwesto kapiling ng paborito nilang

kakuwentuhan, at inabangan ang paglabas ng walang kamuwang-muwang na dalaga

mula sa maliit na kubong kaniyang tinitirhan.

 

4 Noon pa nila gustong makausap si Lea subalit lagi na lamang abala ang dalaga.

Maging ang mga kabarkada niya’y napikon sapagkat hindi siya makausap, ni wala

silang maibahaging detalye sa mga ina nilang gabi-gabi na lamang nangungulit

tungkol sa hinaharap ng kaibigan nilang pupunta sa Amerika.

 

5 Maganda sana ang pagkakataong ibinigay ng handaan sa kasal ni Paciano upang

mausisa si Lea. Matagal nang pinangarap ng buong San Joaquin na makausap

siya. ‘Yun nga lang, pinili ni Aling Clara na itabi ang kaniyang anak kay Ore.

Nakapagtrabaho na dati si Ka Ore sa isang pabrika sa Amerika kung kaya’t

pinagsamantalahan ng biyuda ang pagtatanong hinggil sa magiging buhay ng

kaniyang anak doon. At sa puntong ito kung saan tanging ang embahada na lamang

ang makapipigil sa pag-alis ni Lea, hindi mo masisi si Aling Clara na walang ginawa

maghapon kundi mangalap ng mga payong makatutulong sa kaniyang anak na

pupunta sa embahada sa kinabukasan.

 

6 “Aba, kailangan pa ba ‘yon?” laking gulat niya matapos ikuwento ni Ka Ore ang

tungkol sa kakilala niyang TNT na hindi nakakuha ng Visa dahil hindi nito alam kung

anong trabaho ang ibibigay ng pabrikang tumanggap sa kanya. “Kasalanan na ‘yan

ng recruiting agency. Sila ang nagsabi na may trabaho, eh. Siyempre, nag-aplay itong

si Lea, ilang trabaho ba ‘yung sinabi nating kaya mong gawin sa application form?”

tanong agad ni Aling Clara kay Lea. Tahimik lamang ang dalaga. “Malay ba namin

kung alin do’n ‘yung ibibigay sa kanya. Walang sinabi sa sulat.”

 

7 “Ay, ganoon na nga,” sumbat ni Ka Ore. “Sinasabi ko sa iyo, idadahilan sa inyo ng

Kano na porke ba’t may trabaho na, papayag na lang basta-basta? Hindi pupuwede

sa kanila ang gano’n. Ang gusto nila, alam mo ang pinapasukan mo.” Sa lakas ng

boses ni Ka Ore, halos lahat ng bisitang naupo sa silid ay nakinig na lamang sa mga

kuwento niya. Ni isang salita walang nabitiwan ang ibang mga matatandang noon

pa kating-kati na mausisa ang dalagang pupunta ng Amerika. “Ay, Lea,” patuloy ni

Ka Ore. “Sinasabi ko sa iyo, dapat siniguro mo muna ‘yan. Naku! Paano kung hindi

disenteng trabaho ang bagsakan mo? Ha?”

 

8 “Ka Ore, ano ba naman ang iniisip mo?” sagot agad ni Aling Clara. “Legal ang

recruiting agency na pinag-aplayan namin. Aprubado ng POEA ‘yon. Huwag mo

namang takutin ang anak ko ng ganyan.”

9 Nanlaki ang mata ng matanda. “Naku, Clara! Hindi ko siya tinatakot. Ang hirap din

kasi sa mga kasong ganyan, kapag hindi masiguro ang trabaho pag-alis dito, pihadong

walang trabaho pagdating doon. Maski na ba legal ang recruiting agency dito,

naloloko din ‘yan ng mga Kano do’n. Ano nga ba kasi ang trabahong pinasukan mo?

Ha?”

 

10 Tumingin lamang si Lea kay Aling Clara na madaling nagtanong: “E, Ka Ore, bukod sa

trabaho, ano pa kadalasan ang mga tinatanong?”

 

11 “Depende. Kung magpapakasal ka, halimbawa, itatanong sa iyo kung ano ang

ginagawa ng asawa mo, ano ang trabaho niya, saan siya nakatira, sino ang nanay

niya, ilang kuwarto mayroon sa bahay niya, ano ang paborito niyang kulay.

Tinatanong din nila kung anong balak mong gawin matapos ang ilang buwang

paninirahan doon, kung babalik ka pa, kung may balak kang manirahan doon nang

tuluyan. Tinatanong din nila kung ano ang alam mo sa Amerika, kung ilan na ang

mga pangulo nila. Tapos kung may pamilya ka rito, tatanungin nila kung ano-ano ang

pinaggagagawa nila rito, kung may balak silang sumunod sa iyo pagdating mo doon.

Kung wala ka namang pamilya, tatanungin nila kung may boyfriend ka na...”

 

12 “Pati ba naman ang boyfriend tinatanong?” sabad ni Aling Clara.

 

13 “Bakit, may boyfriend na ba si Lea?”

 

14 “Wala,” tugon agad ni Aling Clara. Ngumiti naman sa hiya si Lea habang

mapanuksong humiyaw ang ilang nakikinig. “Pero bakit naman kailangan pa nilang

pag-aksayahan ng panahon ang mga detalyeng ganyan?”

 

15 “Ay, Clara,” wika ni Ka Ore. “Kapag nagtatanong ang mga Amerikano, aakalain mo

may ginawa kang kasalanan. Napakabagsik nila. Kulang na lamang ay hubaran ka.

Aba, pati nga kulay ng panti mo natatanong kung minsan. Mapipilitan ka namang

sumagot. Kapag nandoon ka na’t tinamaan ka na ng kaba sa dibdib, wala nang

magagawa ang pagsisinungaling. Kung hindi ka naman makasagot nang tuwid, hindi

ka makakapunta ng Amerika. Wala, hindi ka nila papayagan. Dapat listo ka. Tuwid

ang pag-iisip. Hindi ka dapat aanga-anga. Bawat yes na sagot mo, bigyan mo ng

dahilan. Bawat no na sagot mo dapat maipaliwanag mo nang husto. Matuto kang

gumawa ng dahilan. Kung tango ka lang nang tango ng ulo, walang mangyayari sa

iyo. Kahit baluktot ang Ingles, sige lang. Ipakita mo ang nalalaman mo, na matalino

ka at karapat-dapat kang mabuhay sa bayan nila. Siguraduhin mo na alam mo ang

ginagawa mo.”

16 At sinimulang muli ni Ka Ore ang kaniyang talambuhay. Magsisisenta na si Ka Ore

subalit ang kaniyang alaala ay umiinog lamang sa walong taong nanirahan siya sa

Amerika. Ilang beses nang narinig ng mga taga-San Joaquin ang kaniyang kuwento.

Memoryado na nila ito. Kahit alam nilang iniimbento na lamang ng matanda ang

ilang detalye, pinalalampas na lamang nila ito. Sinasabayan nila si Ka Ore sa kaniyang

pananaginip na namimitas siya ng mansanas at kahel; o lumalanghap ng malamig na

simoy habang dahan-dahang lumalatag ang niyebe sa lupa; o naglalakad sa ilalim ng

mga puno sa sidewalk, pinakikinggan ang mga nalagas na dahon na nagngungumalot

sa kaniyang pag-apak. Iisipin ng mga taga-San Joaquin na minsa’y mararanasan din

nila ang ganito katamis na buhay. Titingin sila kay Lea, at sa kanilang mga guniguni,

panonoorin nila ang dalagang may suot na Amerikana, pumipitas ng mansanas,

naglalakad sa yelo o sa mga namumulang dahon ng taglagas. Ay, buti pa si Lea.

Makakatikim ng masarap na buhay, lalayo sa hirap, kikita ng dollar. Mabuti pa si Lea,

iisipin nila, pupunta ng Amerika.

 

17 HALOS hindi na makahinga ang buong bayan nang dumating si Lea mula sa

embahada. Dahan-dahan siyang bumaba sa traysikel, walang imik. Wala silang

makuhang pahiwatig ng tagumpay, ni kasawian sa kaniyang mukha habang hinintay

niyang bayaran ng kaniyang ina ang drayber. Napansin ng drayber ang pananabik ng

mga tao sa kaniyang paligid, at maging siya ay walang balitang maibahagi hinggil sa

kapalaran ng dalaga. Bumaba si Aling Clara sa traysikel, subalit ang kaniyang mukha’y

nakatalikod sa madla, nakaharap sa pinto ng kanilang bahay.

 

18 “O, Aling Clara, kumusta?” may malakas na loob ang nagtanong.

 

19 Umiling si Aling Clara sa sama ng loob. “Wala, ni-reject.” Nanatiling tahimik ang

buong San Joaquin. “Hayaan ninyo,” patuloy ni Aling Clara, “may dalawa pa siyang

pagkakataon.”

 

20 “Aba, Lea,” tawag ng isang ale. “Sinunod mo ba ang payo ni Ka Ore?”

 

21 Tumango si Lea. “Opo,” sabi niya. “Sinunod ko po ang lahat ng bilin ni Ka Ore.”

 

22 “Sinasabi ko na nga ba,” sigaw ng isa pang tagaroon.

 

23 Dahan-dahang naglakad papasok sa kanilang bahay si Aling Clara, mabigat

na mabigat ang loob. Tumingin na lamang si Lea sa mga kababayang maiging

sumubaybay sa sinapit niyang kapalaran. Nakita niya kung paano nasiraan ng loob

ang iba sa kaniyang sinapit na kasawian sa embahada ng mga Amerikano. Nadama

niya ang mga nanlalamig na pagtinging bigay ng ilan sa kanila.

24 Subalit isang tingin lamang ang kaniyang iginanti sa bayang naging manunuri at

tagahanga ng kaniyang makakalimutan ding kasaysayan. At sa kaniyang mga mata

nakita ng San Joaquin ang isang matamis na ngiti ng tagumpay at pag-asa na tila

nakalimutan nilang damhin simula nang isuko nila ang kanilang mga pangarap sa

Amerika.

___________________________________________

Ang akda ay hango sa librong ito:

Santos, B. at C. Santos. (2002). Kawil II: aklat sa paglinang ng kasanayan sa wika at

literatura (KAWIL). Lungsod Quezon: Rex Bookstore, ph. 190-194.

No comments:

Post a Comment