Sunday, February 24, 2013

Nagsimula sa Panahon ng Yelo


Nagsimula sa Panahon ng Yelo

mula sa nobelang Ang Sandali ng mga Mata

Alvin Yapan

Ngunit kailangan na munang maghintay nina Baltog, Handiong, at Bantong, ang tatlong

bayani ng Ibalong. Hindi ko kaagad sila naikuwento kay Boboy dahil pagkagising, una

niyang hinanap ang kaniyang ina. Ni hindi niya naitanong kung nasaan siya at kung bakit

ako ang naroroon.

 

“Tiyong, nasaan si Mama?”

 

“Alam mo kung nasaan siya.”

 

Nasa Amerika si Nene sa pagkakaalam ni Boboy. Ngunit ang totoo’y walang nakasisiguro

kung nasaan siya. Mula nang lisanin ang Sagrada, wala nang balita ang pamilya Nueva

sa kaniyang kinaroroonan. Tiyak lamang nila na may balak pumunta ng Amerika si Nene

bago umalis. Kung saan doon, wala ring nakakaalam.

 

Sumusulat siya kay Boboy paminsan-minsan ngunit palaging walang nakalagay na

address kung saan nagmula ang sobre. Makukulay ang mga sobreng pinagsisidlan

ng mga liham, at ang liham ay nakasulat sa mababangong papel na kadalasang

napapalamutian ng naka-imprentang mga bulaklak.

 

“Tiyong, dadalawin niya kaya ako?”

 

“Kung alam niya sigurong may-sakit ka. Pero pa’no naman niya malalaman?”

 

Nasubaybayan ko ang paglaki ni Nene sa bahay na bato. Sapul nang isilang siya. Ngunit

mula nang siya’y umalis wala na akong nalaman tungkol sa kaniyang naging buhay.

 

“Ano ba ang ikinukuwento niya sa mga sulat niya sa ‘yo?”

 

Ikinuwento sa akin ni Boboy ang mga kuwento sa kaniya ni Nene. Ang iba’t ibang

kulay. Ang iba’t ibang amoy. Ang iba’t ibang ingay. Ang iba’t ibang bugso ng hangin.

Ikinuwento niya sa akin ang tungkol sa snow. Ang snow at ang Pasko. Isang malamig na

Pasko. Ang mga himig ng kantang “White Christmas.” Ang hindi maintindihang eksena

ng mga batang nagbabatuhan ng binilog na snow. Kung paano nasama ang kaniyang

ina sa larong ito. Ang napakalinis na kalye. Hindi aspaltado at bitak-bitak. Hindi katulad

ng kalsada sa Sagrada. Ang mababait na tao. Ang uma-umagang “Good Morning!” ang

hapun-hapong “Good Afternoon!” o kaya’y ang gabi-gabing “Good Evening!” tuwing

may makakasalubong sa daan. Kung paano naaalala ng kaniyang ina ang mga estudyante

nito noong nagtuturo pa sa Mababang Paaralan ng Sagrada, pati ang aninong nakulong

sa bahay ng mga alaala. Ang pangungupahan sa isang apartment. Ang pine tree sa harap nito. Kung paano, tuwing Pasko, sinasabitan ng maliliit na bola at Christmas lights.

Napakaraming Christmas lights. Iba-ibang kulay. Ang snowman. Ang pagtutulong-tulong

ng magkakapitbahay sa paggawa ng snowman na di-hamak na mas matangkad sa

kaniyang ina. Pati ang fireplace. Mamamatay daw ang kaniyang ina sa ginaw kung walang

fireplace. Ang napakatinding lamig. Ang nakamamatay na lamig. Kung paano kailangang

pagpatung-patungin ang mga damit makalabas lamang ng bahay. May pang-ilalim

na, may t-shirt pa at polo at jacket. Kung gaano kasaya sa Amerika. Kung paano siya

niyayaya ng kaniyang ina na sumunod doon kapag nakatapos na siya sa kaniyang pagaaral

at may trabaho na. Ang pagiging presidente ng kaniyang ina ng mga kahera sa isang

department store. Ang malaking kita. Ang mga libreng damit dahil sa department store

na lang niya kinukuha. At ang mga prutas. Ang napakarami at napakamurang prutas. Ang

nakakasawa nang mansanas. Ang kapulahan ng mansanas. Kumikinang sa kapulahan at

napakatamis. Hindi katulad ng mga mansanas sa Filipinas na napakaliliit. Mapakla. Hindi

maintidihan kung pula o berdeng mansanas dahil kalahating pula at kalahating berde.

Kung paanong doon, kapag pula ang mansanas talagang pula; kapag berde, talagang

berde. May mga orange ding napakalaki. Original siyempre, sabi ng kaniyang ina. Talo

ang ponkan sa Filipinas. Ang pagtatrabahong nauuwi sa pag-iikot sa department store,

dahil walang magawa. Kaya minabuti niyang bantayan na lamang ang mga kahera upang

walang matuksong kumupit. Ang malaking suweldong natatanggap ng kaniyang ina. Ang

pagiging katiwala nito sa pinapasukang department store. Kung paano bago umuwi ay

kinokolekta ang benta at ito mismo ang nagtatala ng benta sa logbook. Ang kaniyang

inang naging katiwala ng may-aring Amerikano. At hindi lamang ang kulay ng mansanas.

Hindi lamang ang kulay ng orange. Higit sa lahat ang kulay ng pera. Kakulay ng damo

at sindami. Hindi kakulay ng isandaan ng Filipinas. Kakulay ng ubeng napakahirap nang

hanapin sa palengke ng Sagrada.

 

“Tiyong, hindi niya siguro doon nahanap si Mr. Edwards. Hindi niya nabanggit sa

mga sulat ni minsan. Mabuti na rin siguro iyon,” dagdag pa ni Boboy. “Malaya siyang

makauuwi sa Filipinas kung hindi pa siya kasal kay Mr. Edwards.”

 

Naaalala ko si Nene bilang babae ng mga simulain. Mayroon siyang pagkukusa. Bago pa

man siya nagturo, marami na siyang binuksan at pinasimulang mga negosyo sa Sagrada.

Dapat pa nga sigurong kay Nene magpasalamat ang Sagrada sa pagpapalago ng negosyo

sa bayan namin, at hindi kay Chua.

 

Nang maging mura ang refrigerator, nag-ipon si Nene ng pera mula sa ipinapadala ng

katiwala sa mga lupang sakahan na iniwan sa kanila ni Severino. Bumili siya ng General

Electric. Single-door. Basta may mainom lamang silang malamig na tubig. Nang huwag

ding mapanis ang mga ulam. Biglang tumaas ang kanilang bayarin sa koryente. Nagbanta si Selya na ibebenta ang refrigerator. Nakaisip si Nene na magbenta ng yelo.

 

Sa sunod nilang pamamalengke, bumili siya ng plastic. Brand ng White Horse. Pinagaralan

niyang mabuti kung paano itinatali ang dulo ng plastic nang hindi sumasabog ang

tubig. Ibinenta niya ang yelo. Dalawang piso bawat isa.

 

Dahil wala pa noong ibang may refrigerator sa lugar nila palaging ubos ang ibinebentang

yelo ni Nene. Nanghihinayang siya sa mga dalawang pisong nakaalpas dahil

nauubusan siya ng paninda. Maliit lang kasi ang freezer ng refrigerator kaya hindi niya

nadadagdagan ang ginagawang yelo. Saka niya inimbento ang ice tubig. Nakaplastik

na malamig na tubig. Kahit hindi matigas na yelo, naibebenta pa rin niya ng uno

singkuwenta isang piraso.

 

Walang ibang may refrigerator sa Sagrada noon dahil namamahalan pa rin ang mga tao.

Mahal na nga raw, pampadagdag pa ng gastos sa koryente. Ngunit nang makita nilang

mas malaki ang napagbebentahan ni Nene kaysa sa ibinabayad sa koryente, ang dealer

namang RC Marketing ang nahirapang tumugon sa dami ng order.

 

Nagkaroon ng paskil na “Ice for Sale” ang halos lahat ng tarangkahan ng mga bahay sa

Sagrada. Dahil halos lahat ng bahay ay may refrigerator na, nabawasan ang mamimili.

Ibinaba ni Nene ang kaniyang presyo sa piso para mapasakaniya lahat ang kakaunti na

lang na mamimili. Pagkalipas lamang ng isang gabi wala nang nagbebenta ng yelo sa

presyong dalawang piso.

 

“Gaya-gaya, puto maya!” galit na sigaw noon ni Nene.

 

Sunod na pinasok ni Nene ang ice candy. Ibinenta niya ng dalawang piso. Ganoon din

ang nangyari. Makalipas lamang ang isang gabi, may nagbebenta na ng ice candy ng piso

at iba-iba pa ang flavor: abukado, monggo, at buko.

 

Ngunit tunay na negosyante talaga si Nene dahil alam din niya kung kailan bibitaw sa

isang negosyo. Isang araw, napagpasiyahan niyang wala nang iaasenso ang industriya

ng yelo, ice tubig, at ice candy sa bayan ng Sagrada. Muling nag-isip si Nene ng isang

pagkakakitaang susustento sa konsumo sa koryente ng refrigerator. Manok. Nagpatayo si

Nene ng manukan. Sinimulan niya sa sampung forty-five days lamang at pagkatapos ng

apatnapu’t limang araw may benta na muli siya. Nangyari ang lahat ng ito bago pa man

dumating sa Sagrada ang Sariwanok ng Magnolia.

 

Ngunit nahalata ni Nene na mahirap mag-alaga ng manok at kailangan pa niyang

maghintay nang higit sa isang buwan. Ang benta ay hindi ganoon kalaki. Kaya hindi nagtagal sinabayan niya ang kaniyang poultry ng piggery. Tatlong baboy lamang nang

simulan niya. Paanakan ang isa sa tatlo nang hindi maputol ang kaniyang aalagaan

at ibebentang baboy. Ibinebenta ni Nene ang baboy sa mga may-ari ng carneceria sa

palengke. Libo-libo ang kaniyang napagbebentahan. Dahil sa malaking kita napalitan ni

Nene ang single-door na General Electric refrigerator ng double-door. Higit na malaki na

ngayon ang freezer ngunit hindi yelo, ice tubig, o ice candy ang ipinuno niya rito kundi

mga pitso ng manok at karneng baboy. Nang mabalitaan ng mga tao ang tagumpay

ni Nene, nagtayo rin sila ng kani-kanilang poultry at piggery. Natuwa ang may-ari ng

carneceria dahil marami na silang mabibilhang baboy. Makakapili na sila. Ayaw na

nilang bumili ng mga baboy na pinakain ng mga tirang pagkain. Higit na malaman ang

mga baboy na sa feeds lamang pinalaki. Halos araw-araw nagigising ang buong bayan

ng Sagrada sa mga putak ng libo-libong manok at tili ng kinakatay na mga baboy. Ang

papawirin ng Sagrada ay nangamoy ipot ng manok at tae ng baboy. Kaya nang minsang

may dumaang bagyo, nagpasalamat ang buong bayan dahil muli silang nakalanghap ng

sariwang hangin kahit na panandalian lamang.

 

Nagreklamo si Selya. Tuwing mainit ang panahon kahit mayaman sila sa yelo, hindi

mapawi-pawi ng kaniyang abaniko ang sangsang ng dumi ng manok at baboy. Si Selya

ang nagpahinto sa negosyo ni Nene. Silang mga Nueva ang unang pamilyang umahon sa

kabaliwan ng poultry at piggery.

 

Sa mga kinita ni Nene sa manukan at babuyan, nakapagtayo siya ng malaki-laking sarisari

store. Saka siya namasukan sa Mababang Paaralan ng Sagrada. Naisip ni Nene

na malaking kustomer ang mga estudyante. Nagtrabaho siya bilang guro ng Home

Economics, ang asignatura tungkol sa sining ng paglalaba, paghuhugas ng pinggan,

pagpapaganda ng bakuran, paglilinis ng bahay, at paggawa ng kung anumang palamuti sa

salas. Bumili si Nene ng iba-ibang klase ng kendi sa palengke, mga gamit pang-eskuwela

at mga pang-araw-araw na gamit sa kusina tulad ng toyo, asin, bawang, sibuyas, at iba

pang recados. Hindi pinabayaan ni Nene ang kaniyang sari-sari store. Gusto lamang

niyang mapalapit sa kaniyang mamimili. Hawak pa niya sila bilang kanilang guro.

Hindi nagkaroon ng takot si Nene na mawalan ng kustomer. Pipiliin at pipiliin pa rin ng

kaniyang mga estudyante ang kaniyang sari-sari store.

 

Dahil isa rin daw na estudyante ang guro sa loob ng silid-aralan, may natutuhan din si

Nene sa kaniyang mga mag-aaral: ang sining ng mga patalastas.

 

“Kung ang isang baso ng suka sa Nene’s Sari-sari Store ay piso at ang isang baso ng

toyo ay dalawang piso, ilan dapat ang dadalhin mong pera sa Nene’s Sari-sari Store

kung bibili ka ng dalawang baso ng suka at tatlong baso ng toyo?” Kapag hindi na rin makapaghintay si Nene na pumunta sa kaniyang tindahan ang mga mag-aaral, siya na

mismo ang nagdadala ng paninda sa paaralan. Isang balot ng mani sa presyong dalawang

piso, pulboron na tatlong piso ang isa, tuwing recess.

 

Katulad ng mga naunang pinasok na negosyo ni Nene sa umpisa lamang naging malago,

bumaba ang benta noong halos bawat madaanang kanto ay may nakatayo nang sari-sari

store at kung minsa’y may karinderya pa sa harap. May Nita’s Sari-sari Store, Tindahan

ni Aling Prising, Jovy’s Mini-Mart, at kung ano-ano pang pangalan. Ang listahan din

ng utang ay kasinghaba na ng pinagdugtong-dugtong na mga ahas, buntot sa ulo,

na natatagpuan uma-umaga sa kalsada, na yupi sa pagkakasagasa ng mga sasakyan.

Nandoon na pala si Oryol noon pa lamang, hindi ko lamang napansin: sa mga ahas

na nabulabog ng mga engkuwentro ng NPA at Konstabularyo sa kasukalang kanilang

tirahan, nagsilabasan upang masagasaan lamang at magsabog ng dugo at lamang-loob sa

highway ng Sagrada.

 

Sa kabila ng hirap at pagod na ibinuhos ni Nene sa paglalako ng kaniyang paninda sa

mga estudyante, hindi pa rin niya mapantayan ang kinita niya sa pag-aalaga ng manok at

baboy. Nawalan siya ng gana.

 

Muli na lamang nabuhayan si Nene nang dumating si Mr. Edwards sa Sagrada.

Naghahanap ang Amerikano ng matutuluyan sa loob ng isang buwan. Hindi nag-atubili

ang mag-inang Nene at Selya na patuluyin siya sa kanilang malaki ngunit lumang bahay.

“Dagdag na kita!” paliwanag noon ni Nene na hindi naman tinutulan ni Selya na noon na

naman lamang nakatagpo ng Amerikano.

 

Isang turista ang pakilala ni Mr. Edwards. Ngunit hindi ang Bulkang Mayon ang ipinunta

niya sa Bicol kundi ang Daro-anak sa Pasacao. Sinabi nila sa kaniya noon na higit na

maganda kung umupa na lamang siya roon mismo sa Pasacao dahil may kalayuan din

ang Sagrada. Dalawang oras mahigit ang biyahe papuntang Daro-anak magmula Sagrada.

Katwiran naman ni Mr Edwards, marami na raw tao doon at mahal ang mga paupahang

kuwarto. Ang ibinayad niya kay Selya at kay Isko, ang inupahang tagapaghatid-sundo ni

Mr. Edwards sa Pasacao ay higit na mababa kaysa sa ipambabayad niya sa renta doon.

 

Nagtitipid din pala ang mga Amerikano, naisip ko noon.

 

Misyon daw ni Mr. Edwards sa buhay na gagawin niyang sikat ang Daro-anak sa buong

mundo. Isang pulo sa Pasacao ang Daro-anak. Kakaiba ang pulo dahil parang isang bukid

na nagkataon lamang na ibinagsak sa kapatagan ng dagat. Parang naligaw na kapatid ng mga luha ng higante na naging Chocolate Hills ang Bohol. Walang puno. Lahat talahib at

damo. May kalayuan ang pulo sa pinakamalapit na pampang. Pangarap ni Mr. Edwards

na languyin ang ilang milyang papunta at pabalik sa Daro-anak nang walang tulong sa

anumang kagamitan sa paglalangoy. Dahil dito magiging sikat daw siya bilang taong

kayang makalangoy nang pulo sa pulo sa Guinness Book of World Records. Hindi lamang

daw siya ang sisikat pati na rin ang lugar ng Daro-anak.

 

Nang buong buwan ngang iyon ng Oktubre, dalawang beses bawat linggong inihahatidsundo

ni Isko si Mr. Edwards sa Daro-anak. Ginawa na ring assistant ng Amerikano si Isko

na susundan niya sa paglalangoy sa isang bangka. Para sa kapakanan ni Mr. Edwards,

kapag hindi na kaya ng kaniyang limampung taong gulang na katawan, sasakay na

lamang siya sa bangka ni Isko at muling sisimulan ang isa pang pagsubok.

 

Sa mga kuwento ni Isko kung paano halos malunod na si Mr. Edwards sa kalalangoy,

naawa na kaming mga taga-Sagrada. Pinayuhan namin siyang kung talagang gusto niyang

marating ang pulo ng Daro-anak, hintayin na lamang niya ang takipsilim sa Pasacao. Sa

pagkati ng tubig sa dapithapon may lumilitaw na tulay na lupa na nag-uugnay ng Daroanak

sa dalampasigan. Higit na kahanga-hangang pakinggan na nilakad ng isang tao ang

pagitan ng dalawang pulo kaysa sa nilangoy. Hindi nga lang namin maintindihan kung

bakit ayaw pakinggan ni Mr. Edwards ang aming payo.

 

Hindi nagtagal at nakasanayan na rin namin ang paulit-ulit na pamamalagi ni Mr.

Edwards sa Sagrada nang isang buwan, tuwing Oktubre. Naging masaya na rin ang lahat

para sa dagdag na kabuhayan nina Isko, Selya, at Nene. Napalitan na ni Cory Aquino

si Ferdinand Marcos at ni Fidel Ramos si Cory Aquino sa pagkapangulo ng Filipinas,

naroon pa rin si Mr Edwards, nangangarap pa ring makasama sa Guinness Book of World

Records.

 

Subalit hindi nakapagtatakang umabot nang ganoon katagal si Mr. Edwards sa kaniyang

pangangarap dahil may lumabas na tsismis na hindi naman daw talaga ito ang pangarap

ng Amerikano.

 

Hindi lamang mani at pulboron ang ibinebenta ni Nene sa kaniyang mga estudyante.

May mga plastik na baril-barilan na rin, mga eroplano, tren, mga tangke, at kung

ano pang mga laruan. Nagreklamo ang mga magulang na dapat itigil na ni Nene ang

pagtitinda. Lalong-lalo na raw iyong plastik na baril na nalalagyan ng maliliit na balang

plastik. Baka raw makabulag sa mga anak nila.

 

Muling nakita ni Nene ang kasaganaang naramdaman niya sa panahon ng pagmamanukan at pagbababuyan. Hindi pumayag si Nene sa gusto ng mga magulang

na pinangangambahan ang pagkabulag ng kanilang mga anak. Ang ginawa na lamang

niya ay umorder kay Mr. Edwards ng mga baril na tubig ang bala. Manghang-mangha

ang mga estudyante dahil kulay-pula ang tubig. Kaya kapag natatamaan nila ang kanilang

kaaway, parang duguan talaga ang damit ng mga ito. At pagkatapos lamang ng ilang

minuto maglalaho ang dagta at makauuwi silang hindi mapapagalitan ng kanilang mga

labanderang ina.

 

Hindi na rin nakapagreklamo ang mga ina lalo na nang magbenta si Nene ng mga

hulugang t-shirt, pantalon, at sapatos sa kaniyang sari-sari store na umabot sa pagiging

boutique kinalaunan. Umorder din si Selya ng payong kay Mr. Edwards nang lubusan

na niyang maagaw ang mga mamimili sa Bombay na naging kaaway niya noon.

Walang nagawa ang Bombay kundi ituon na lamang ang kaniyang pagnenegosyo sa

pagpapautang ng five-six.

 

Ang talagang pangarap daw ni Mr. Edwards ay ang pagkakaroon ng mapagbebentahan ng

mga laruan, damit, at iba pa, at hindi ang pagkakasali sa Guinness Book of World Records.

Pinili niya ang Sagrada, hindi dahil palaging inaantok dito ang mga pulis at walang

panahon upang tuntunin ang pinagmulan ng mga payong, kalan, at kobrekama, kundi

dahil naniniguro lamang talaga si Mr. Edwards na may kakagat sa kaniyang mga produkto.

Alam niya na habang lumalayo siya sa kabihasnan ng lungsod, higit na maibebenta niya

ang kaniyang mga produkto.

 

 

 

 

Ang sabi naman ng iba, na naniniwala na ang puso ni Mr. Edwards ay kasimputi ng

kaniyang kutis, si Nene ang may kasalanan ng lahat. Si Nene raw ang nagsulsol kay Mr.

Edwards na magdala ng mga imported na bilihin. Ang patunay daw nila: sa ikalawang

buwan lamang nagsimulang magbenta si Mr. Edwards at hindi sa una. Baling naman ng

mga naniniwala na sing-itim ng mga Agta ang puso ni Mr. Edwards, tiningnan lamang daw

kasi niya kung talagang may pera nga sa Sagrada noong unang buwan kaya wala siyang

dala.

 

Kinausap ko minsan si Nene. Sa kaniya ko nalaman ang kuwento ng Amerikano.

 

Tumakas daw si Mr. Edwards sa Amerika nang sumiklab ang digmaan sa Vietnam

noong 1966. Hindi lang naman daw siya ang tumakas. Marami raw sila. Pinili raw niya

ang Filipinas dahil nandito ang base militar. Kapag nagbago raw ang kaniyang isip para

sa pagmamahal sa kaniyang bayan madali raw siyang makakatagpo ng mga kapuwa

Amerikano. Ngunit hindi nagbago ang kaniyang isip dahil natuklasan niyang maganda raw

palang magnegosyo rito sa Filipinas. Lalo niya itong napatunayan nang mawala si Marcos at nagkagulo ang Filipinas sa pamamahala ni Cory Aquino. Ang kailangan mo lamang

daw gawin ay pumunta sa mga liblib na baryo at doon magnegosyo. Abala ang lahat sa

mga kaguluhan sa siyudad at Maynila upang pakialaman pa sila.

 

Si Mr. Edwards ang may balak talagang magbenta ng imported doon sa Sagrada.

Nakipagsosyo lamang sa kaniya si Nene. Nang ibalita raw ni Mr. Edwards ang kaniyang

plano kay Nene, hindi raw nag-atubili si Nene. Sabi niya kay Mr. Edwards, bibilhin niya

ang lahat ng dadalhin nito sa Sagrada. Pakyawan nang wala nang problemahin si Mr.

Edwards sa pagbibenta at pagsingil ng pautang, hindi kagaya ng Bombay. Ngunit may

kondisyon: si Nene lamang ang bibentahan ni Mr. Edwards nang maging madali naman

sa kaniya ang paglalako sa mga produkto. Sumang-ayon naman agad si Mr. Edwards.

 

Hindi lang pala nagtitipid ang mga Amerikano, nagsa-sideline din, sabi ko na lang uli

noon sa sarili.

 

Ang pangarap naman daw ni Mr. Edwards na masama sa Guinness Book of World Records

ay pakulo lamang niya upang ituring lamang siyang suking turista kung sakaling may

magising na pulis sa kalam ng tiyan at makaisip mandelihensiya. Saka hilig daw talaga ni

Mr. Edwards ang lumangoy. Napakainit daw talaga sa Filipinas. Hindi na raw siya nasanay

kahit may ilang taon na ring naninirahan dito.

 

“Napakainit talaga rito sa Filipinas,” pagsang-ayon naman ni Selya sabay paypay ng

kaniyang abaniko.

 

Hindi lamang si Nene noon ang nabuhayan sa pagdating ni Mr. Edwards. Pati na rin si

Selya. Kahit nasa sisenta anyos na, nakuha pa rin niyang makipaglandian sa limampung

taong gulang na Mr. Edwards.

 

“Age doesn’t matter,” sabi noon ni Selya, kaya hindi siya mapagbabawalan.

 

“Age doesn’t matter!” sabi rin ni Nene at nangarap din siyang magkatuluyan sila ni

Mr. Edwards. At kung edad ang pag-uusapan, ang agwat ni Mr. Edwards kay Nene ay

sampung taon din katulad ng agwat niya kay Selya. Ngunit higit na maganda raw kung

mas matanda ang lalaki kaysa sa babae kaysa ang babae ang higit na matanda sa lalaki.

Higit na matagal daw tumanda ang pag-iisip ng lalaki.

 

Noon nagsimula ang away ng mag-ina. Higit na mapilantik pa sa dila ng ahas ang mga

dila nina Nene at Selya kapag nag-aaway sila. Ang tanda-tanda na raw ni Selya, sabi ni

Nene, naglalandi pa, gayong pumasok na raw sa menopause. Kapag dumarating naman si Mr. Edwards upang dalhan muli ng paninda si Nene at subukang languyin muli ang

Daro-anak, nawawala ang pilantik ng mga dila nina Nene at Selya.

 

Sa hapag-kainan, sa salas o kaya’y sa bakuran kapag maliwanag ang buwan,

kukuwentuhan ni Selya si Mr. Edwards tungkol sa kapanahunan ng mga Amerikano sa

Filipinas. Noong bago pa man dumating ang mga Hapon at kung paano siya niligawan ni

Mr. Smith. Sabi raw sa kaniya noon ni Mr. Smith, hindi raw siya nababagay sa Filipinas.

Higit na nababagay raw siya sa Amerika nang hindi na siya nagpapaypay ng abaniko nang

ganoon kabilis. Saka ipakikita ni Selya kay Mr. Edwards ang kaniyang abaniko, na noon pa

ma’y punit-punit na sa palagiang paggamit.

 

“Napakarami nang ganiyan sa Maynila,” pansin noon ni Mr. Edwards sa wikang Ingles.

 

“Ginaya lamang nila. Dala ito ni Mr. Smith galing sa Amerika,” sagot naman ni Selya sa

baluktot na Ingles na natutuhan niya sa nasirang asawa.

 

“Gusto mo dalhan kita niyan sa sunod na pagbisita ko?”

 

“Basta yung galing sa Amerika!”

 

Subalit pag-alis noon ni Mr. Edwards hindi na siya nagpakita sa buong taon ng 1986.

Isa rin siguro ito sa mga nagbunsod kay Nene na pumunta sa Maynila nang magkagulo

sa EDSA, sabi ng ilan. Ngunit nakabalik na sina Nene sa Sagrada at natapos na ang

Rebolusyon sa EDSA at hindi pa rin nagpapakita si Mr. Edwards. Lumipas ang mga

buwan at hindi siya dumating. Nasingil na halos lahat ni Nene ang mga hulugan wala pa

rin siyang bagong maibebenta. Akala niya noon wala na si Mr. Edwards sa buhay nila.

Nalungkot si Selya dahil hindi na mapapalitan ang kaniyang antigong pamaypay.

 

Nang dumating ang buwan ng Pebrero, taong 1987, muling nagpakita si Mr. Edwards.

Isang palumpon ng pulang rosas ang dala niya at isang kahon ng tsokolate. Wala siyang

dalang abaniko. Ibinigay ni Mr. Edwards ang mga rosas at tsokolate kay Nene. Ibinigay ni

Nene ang tsokolate kay Boboy. Walang biyayang natanggap si Selya kundi isang scotch

tape upang pagtagpi-tagpiing muli ang kaniyang punit-punit na pamaypay.

Akala raw ni Mr. Edwards magkakaroon ng giyera sa Filipinas nang nakaraang taon. Hindi

raw siya makabalik-balik dito sa Filipinas sa takot. Ngunit ngayon at gumanda na ang

papawirin para sa negosyo bumalik kaagad si Mr. Edwards at may balak pang pakasalan

si Nene. Doon nagtapos ang away ng mag-ina. Nanahimik na lamang si Selya sa kaniyang

pagkatalo.

Hindi naman tumanggi si Nene sa balak ni Mr. Edwards gayong matagal na rin silang

magkakilala at naging magkasama na rin sila nang ilan taon. Napatunayan na rin noon

ni Nene na peke ang isinauling Birhen ng Pe├▒afrancia noong 1972. Sa Birhen na nga

lamang siya umaasa at naniniwalaa noon, pagkatapos nawala pa. Wala na rin siyang

pakialam sa pakikibaka ni Benjamin na may ilang taon na ring patay. Lahat ng kaniyang

ipinaglaban at pinaniwalaan ay naglaho nang lahat. Kaya nang niyaya siyang pakasal

ni Mr. Edwards, wala siyang makitang dahilan upang tumutol. Hindi raw sila rito sa

Filipinas magpapakasal. Sa Amerika raw. Dadalhin daw niya si Nene roon. Ngunit bago

sila magpakasal, kailangan na muna raw nilang palaguin ang boutique nila sa Sagrada.

Ang nais na ngayon ni Mr. Edwards ay hindi na lamang isang boutique kundi isa nang

department store.

 

Dinagdagan pa ni Nene ang mga binibili niya kay Mr. Edwards. Bilang patunay na

hindi siya niloloko ni Mr. Edwards, dinala siya nito sa Maynila kung saan daw sila

magbabakasyon. May sasabihin daw siyang lihim kay Nene. Hindi noon isinama ni Nene

si Boboy dahil nag-aaral na siya sa Mababang Paaralan ng Sagrada.

 

“Buo ang tiwala ko noon sa kaniya, Tiyong,” sabi sa akin ni Nene bago siya umalis

papuntang Amerika sa paghahanap kay Mr. Edwards. Nabigla raw siya nang sabihin sa

kaniya ni Mr. Edwards na ang mga ibinebenta niyang mga kaldero, laruan, at iba pa ay

binili lamang sa Maynila, sa Divisoria raw kung saan mura ang lahat ng bilihin. Ngunit

hindi naman daw iyon panloloko dahil galing naman daw talaga iyon sa ibang bansa.

Hindi nga lamang daw siya ang mismong nagdala sa bansa.

 

Sabi ni Mr. Edwards na makikipagsosyo na sila nang pormal, may kontrata, sa mga mayari

ng binibilhan nila sa Divisoria. Magtatayo raw sila ng department store sa Sagrada.

Uunlad daw ang Sagrada kapag naitayo nila ang tindahan. Dadayuhin daw sila ng mga

taga-ibang bayan. Ipapangalan daw nila kay Nene ang department store. Nabunyag din

kay Nene ang isa pang sikreto ni Mr. Edwards. TNT raw kasi siya kaya hindi maaaring sa

kaniya ipangalan ang department store. Pagkatapos daw ng kanilang kasal, kukuha na

lamang siya ng dual citizenship. Ngunit samantalang hindi pa siya Filipino, si Nene na

muna ang maglalakad ng lahat ng papeles ng itatayo nilang negosyo. Lalago raw ang

negosyo dahil paunlad na raw ang bansa. Bibili raw sila ng isang dyip na maghahakot ng

mga ibebenta nila sa Sagrada. Pagkatapos, hindi lamang daw sila sa Sagrada magtitinda;

pati na rin sa mga karatig-bayan.

 

Hindi ko noon alam kung ano ang iisipin ko, dahil hindi lamang pala mga Filipino ang

nagti-TNT.

Biglang-bigla noon si Nene sa mga lihim na ibinunyag sa kaniya ni Mr. Edwards.

Binantaan kaagad niya si Mr. Edwards. Hindi aasenso ang anumang negosyo sa bayan

ng Sagrada dahil ang mga tao rito ay parang mga aninong tagasunod lamang sa katawan

ng tao. Ngunit naalala ni Nene ang anino sa loob ng bahay na bato. Hindi anino,

pagwawasto niya. Higit na angkop na parang loro. Kung may sasabihin ka, ang gagawin

lamang ay ulit-ulitin ang sinabi mo nang walang iniiba. Kung walang ituturong bago,

wala ring matututuhang bagong salita. Ngunit hindi rin talaga katulad ng anino o ng loro

dahil kakaiba ang ganitong panggagaya sa bayan ng Sagrada. Hindi sa ginagaya lamang

talaga. Nais lamang talunin ang ginagaya. Parang mga talangka. Parang mga alimango.

Marahil aasenso sa unang mga taon ang itatayo nilang department store. Dudumugin pa

nga siguro ng mga tao, natitiyak na halos ni Nene. Ngunit kapag nalaman nilang galing

lamang sa Maynila ang mga ibinebenta, hindi malayong gagawa rin sila ng sarili nilang

department store. Ipagkakalat pa nila sa buong bayan ng Sagrada kung paano sila naloko.

Darating ang panahon na wala nang bibili sa kanila at sila-sila na rin mismo ang magaaway-

away para sa mga mamimili.

 

Ipinamukha rin ni Nene sa kaniya na ang tatlumpung taong walang ipinagbago ng maliit

niyang negosyo sa tulong ni Mr. Edwards ay sapat nang patunay na walang mangyayari sa

balak nila. Nakita rin siguro ni Mr. Edwards ang lohika ng paliwanag ni Nene, na dumaan

na sa panahon ng yelo, ng manok at baboy at sari-sari store. Mag-isa na lamang na

bumalik si Nene sa Sagrada at halatang-halata ang pagod sa kaniyang mukha. Susunduin

na lamang daw siya ni Mr. Edwards sa Pebrero ng susunod na taon.

 

“Naku, may nangyari sa Maynila,” paliwanag ng isa sa maputlang mukha ni Nene pag-uwi

niya.

 

“Inuna ang pulot-gata.”

 

“Aba’y siyempre! Baka napag-iwanan na nga ang babae ng panahon.”

 

Mahigit apatnapung taong gulang na noon si Nene.

 

Napakabilis na ng mga pangyayari ng mga panahong iyon. Hindi nagtagal at pinalalayas

na ng mga Filipino ang base militar ng Amerika sa bansa. Masyado na raw matagal ang

ipinirmi nila sa Filipinas. Masyado nang mapanganib para sa Filipinas na nandito ang base

militar ng Amerika. Maraming dahilan ang ibinigay.

 

Ikalawa ng Abril 1991 nang pumutok ang Bulkang Pinatubo pagkatapos ng anim na

daan at labing isang taong pagkakahimlay. Ang ulan ng abo, makalipas lamang ng ilang

araw, ay nakarating na sa Bicol upang ihatid ang balita kay Nene na hindi na darating si Mr. Edwards. Walang ibang nakakuha sa amin ng balita kundi si Nene lamang, dahil

abalang-abala ang lahat ng tao sa kapapasok ng mga basang sinampay. Sa pagdapo

ng mga abo sa mga basang sinampay natutunaw agad sila, dumidikit sa labada at

nagiging mantsa na hindi naman pinangambahan ng mga labanderang ina dahil kayangkaya

naman daw linisin nina Mr. Clean, Ajax, at Perla. Walang natataranta sa Sagrada

dahil kaya namang linisin ng tubig ang maimpis na abo sa halamanan, sa lupa, at sa

kalsada, hindi katulad sa mga abong umulan sa magkakatabing bayan ng Pampanga na

nagpaguho sa hindi iilang mga gusali at kumitil sa libo-libong buhay.

 

Taong 1992 nang mapasakamay na ng Filipinas ang Subic Naval Base at Clark Air Base.

Kahit Disyembre pa ang palugit ng paglilipat, Setyembre pa lamang tapos na ang

lipatan. Dumaan ang mga taon nang hindi nagpapakita si Mr. Edwards. Lihim itong

ikinatuwa ni Selya. Akala niya’y matatalo na siya ng kaniyang anak sa pangangasawa ng

isang Amerikano. Mabuti at anak niya ang niligawan at iniwan. Ngayon ay amanos na

sila. Kapuwa na nila alam ang nararamdaman ng isang naloko.

 

Sa mga taga-Sagrada namang hindi nakaaalam sa tunay na dahilan ng bigla na lamang

pagkawala ni Mr. Edwards, ang naging katwiran na lamang ay marahil daw nalangoy na

niya ang Daro-anak. Ngunit walang dumating na balita tungkol sa pagkakasali ng Daroanak

sa Guinness Book of World Records. Noon sila naghaka-haka na baka minsan daw

sinubukan niyang languyin ang Daro-anak nang hindi ipinaaalam kay Isko; nahihiya na

siya sa paulit-ulit na pagkabigo. Marahil daw hindi na nakayanan ni Mr. Edwards ang

paglalangoy at nalunod na lamang. Hindi nila nakuhang itanong ang kasagutan kina

Nene at Selya dahil naawa sila sa bigla na lamang pagkawala ng negosyo ng mag-ina.

Binura na rin nila ang mga bintang nila kay Nene. Marahil nga ang paglangoy lamang

talaga ang sadyang pakay ni Mr. Edwards sa kaniyang pagpunta sa bayan ng Sagrada.

 

Isang araw narinig ko na lamang na namamaalam na sa akin si Nene.

 

“Tiyong, susundan ko po sa Amerika si Mr. Edwards.”

 

“Alam mo ba ang address niya?” pagtutol ko noon sa balak ni Nene.

 

“Hindi.”

 

Ngunit buo na ang pasiya ni Nene. “Bukas po aalis na ako papuntang Maynila.

Aasikasuhin ko pa po ang passport ko. Baka doon ako magsimula sa paghahanap.

Pupunta siguro ako sa Subic o sa Clark. Siguro naman may nakakikilala doon kay Mr.

Edwards. Magpapaturo na lamang ako ng address niya sa Amerika.”

Ito ang ikinuwento ko kay Boboy nang tanungin niya ako tungkol kay Nene. Ikinuwento

ko rin kung paanong ang kakayahang ipinamalas ni Nene upang pasulputin nang parang

kabute ang mga yelo, ice tubig, ice candy, manok, baboy, at sari-sari store ay siya ring

kakayahang ginamit niya sa pagbaklas ng mga estante sa sari-sari store. Nag-sale na si

Nene, bago pa man naging uso rito sa Maynila ang mga sale, ng lahat ng kasangkapan

sa sari-sari store at boutique. Siningil niya ang lahat ng mga utang. Isinanla rin niya ang

bahagi ng kaniyang mamanahin mula kay Severino. Lalo pang nabawasan ang kakaunti

na lamang na hektaryang natira sa Hacienda Nueva. Noon natuklasan ni Nene na higit na

madali ang pagbaklas kaysa sa pagpako ng estante. Higit na madali ang lumikha ng gulo.

 

“Natagpuan kaya niya Tiyong, si Mr. Edwards?” tanong sa akin ni Boboy.

 

“Hindi ko alam. Ano ba ang sabi niya sa sulat?”

 

“Wala. Wala siyang sinasabi tungkol kay Mr. Edwards.”

 

“Siguro nga, hindi pa niya natatagpuan.”

 

“Hindi niya ako kinausap nang umalis siya.”

 

“Pero sinusulatan ka naman niya.”

 

“Hindi ko naman siya masulatan.”

 

“Ano ang natatandaan mo nang umalis siya?”

 

“Wala. Nagmamadali siyang makaakyat sa bus. Inaayos ang mga bagahe. Hinahanap ang

tiket. Nagpapaganda siya. Tapos sabi niya sa’kin ingatan ko raw ang sarili ko.

 

Hindi ko na sinabi kay Boboy, ngunit natatandaan ko noon si Nene, parang si Estela nang

makita ko ang kaluluwa nitong papuntang gubat. Pinili ni Estela ang gubat dahil parang

inaasahan lamang talaga na doon siya pupunta. Natural lamang. Isa siyang nawawalang

kaluluwa at ang gubat ang bayan para sa mga nawawala.

 

Muling lumamig ang paligid. Narinig kong may ibinubulong na tanong sa akin ang

kaluluwa. Itinatanong niya kung bakit hindi sa gubat pumunta si Nene.

 

May sariling dahilan si Nene. Ngunit hindi pa ito ang wastong panahon upang itala iyon

at mantsahan ang kadalisayan ng papel ng isang higit na masakit pang alaala. Sapat nang sabihin na ang gubat ng lungsod ang kaniyang pinili. Hindi mapakali ang kaluluwa

sa aking likod. Ngunit natuto na ako minsang huwag uunahan ang panahon. Sapat

nang sabihin na rito sa gubat ng lungsod nababagay ang pagkaligaw ni Nene. Sapat

nang sabihin na ang bus na sinakyan niya papuntang Maynila ay nag-iwan ng bakas na

parang nilikha ng isang higanteng sawa. Ni hindi niya nakuhang magpaalam sa aninong

umaaligid sa bahay na bato. Noon ko unang naramdaman ang kamandag ng aking mga

kuwento, dahil umalis si Nene pagkatapos kong isalaysay sa kaniya ang kuwento ng

mga Nueva. Humingi siya noon ng tulong sa akin. Akala ko makakatulong sa kaniya ang

kasaysayan ng kaniyang pamilya.

 

Sa tingin ko’y hindi narating ni Nene ang Amerika. Marahil narito lamang siya sa Maynila.

Hindi ko noon maipaliwanag ang selyong nakatatak sa mga liham na padala niya. May

tatak namang New York. Ngunit nang makarating ako rito sa Maynila nakita kong

nagkalat ang mga gumagawa ng iba’t ibang disenyo ng selyo at stamp pads. Magaling

ngang manggaya ang mga Filipino. Hindi mahirap gayahin ang tatak ng selyo. Ang

ikinalulungkot ko lamang ay si Nene; si Nene, na siyang nagpasimula ng panahon ng

mga yelo, manok, at baboy sa aming bayan bago pa man nakarating ang Sariwanok ng

Magnolia sa Sagrada at bago pa man ang mga mega-sale sa mga malls dito sa Maynila; si

Nene na nakilala ko bilang babae ng mga simulain ay sa huli’y natuto na ring manggaya.

No comments:

Post a Comment